Ni Bryan Roy Raagas

PHOTO: France24 Media

Nagpasya ang Palasyo na itutuloy pa rin nila ang pagpapatupad sa mga mamamayan na magsuot ng face shields dahil hindi pa alam hanggang sa ngayon kung paano makahahawa sa tao ang bagong variant ng COVID bukod sa ilong at mata.

Sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang pre-recorded public address noong Lunes na magpapatuloy ang pagkakaroon nito bunsod ng banta ng mas nakakahawang Delta variant sa bansa.



"I know that it is inconvenient really to be wearing the mask, adjusting it from time to time. But that is only a very small price to pay than rather gamble with doing away with it and courting disaster,” ani Duterte.

Bukod dito, ipinaliwanag ni Duterte na ang ating bansa ay hindi kayang magkaroon ng pangalawang alon dahil maaaring mas malala ito kaysa sa una, at magkakaroon ng problema sa ekonomiya na magiging mapanganib para sa bansa.

“Sundin lang ninyo ako, tutal binoto ninyo akong presidente, milyon-milyon ang nag-like sa akin, ika nga.”

Idinagdag rin ng pangulo na dapat magsikap ang bansa sa paglaban sa COVID-19, sapagkat hindi natin alam kung kakailanganin nito ang isang bagong bakuna na dapat munang maimbento.

Kaugnay nito, sinuportahan ni Dr. Anna Ong-Lim ng University of the Philippines College of Medicine na maaaring makatulong sa pagbawas ng COVID-19 infection ang face shields, ayon sa mga pananaliksik.

“Sabi po ng authors, siyempre po wala pong nag-iisang intervention na puwede pong magbigay ng buong protection, but of course pag pinagsasama-sama po natin ‘to, nakakatulong" wika ni Dr. Lim.



Noong nakaraang linggo, inihayag ni Senate President Vicente Sotto III na sumang-ayon ang presidente na kinakailangan lamang na magsuot ng panangga sa mukha ang mga mamamayan kapag pupunta sila sa mga ospital o di kaya’y indoor na gusali. 

Gayunpaman, umapela ang Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) na panatilihin ang panuntunan sa paggamit ng mga face shield sa mga enclosed public places tulad ng mga komersyal na establisyemento, mall, at pampublikong transportasyon.