Hidilyn Diaz: Panelo, bashers napatawad ko na kayo
Ni Bryan Roy Raagas
LARAWAN MULA SA: Tokyo 2020 |
Matapos idawit ang kanyang pangalan sa "Oust Duterte" matrix ng Malacañang noong 2019, ayos na para kay Olympic gold medalist Hidilyn Diaz ang kaniyang nakaraan kay Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo, pati na rin sa karamihang nagdududa sa kaniya.
Aniya sa kaniyang panayam kay Vice President Leni Robredo nakaraang Linggo, may matinding dahilan kung bakit nangyari sa kaniya iyon, sanhi upang kaniya ring masungkit ang kauna-unahang gintong medalya ng Pilipinas.
"For me now, hindi na (apology ni Panelo). Para sa akin, OK lang kasi at the end of the day, mas kailangan ko ’yung peace of mind ko. As long as nag-move forward ako at nagawa ko nang maayos at na-serve at na-represent ko ang Pilipinas, masaya ako," sabi pa ni Diaz.
Matatandaang nagpahayag ang Chief Presidential Legal Counsel matapos muling mabuhay ang usapin tungkol sa nasabing matrix, kasagsagan ng pagkapanalo ng Pinay weightlifter sa Tokyo Olympics.
Diniin niya sa kaniyang panayam ng ANC na ang pagkalalagay ni Diaz sa matrix ay walang kahulugan kundi ipakita na may koneksyon siya sa social media ng nagngangalang Rodel Jayme, na konektado sa pag-upload ng isang bidyo na pinamagatang, "The Real Narco List."
“There is whatsoever no intention, imagined or real, na nililink mo si Hidilyn. Nagkataon lang na inilagay yung kanyang pagiging fan nitong si Jayme. 'Yun lang yun e,” sambit ni Panelo.
Kaugnay nito, inihayag naman ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang courtesy call na lahat ng mga bagay na iyon ay kalilimutan niya na lamang.
"Just forget them, you already have the gold. Gold is gold. And it would be good for you to just let bygones be bygones and dwell solely on your victory …," wika ni Duterte.
Kasabay ng mga ganitong pangyayari, nanghingi rin ng panawagan si Hidilyn Diaz hindi lamang sa gobyerno, kundi pati na rin sa pribadong sektor na suportahan pa ang mga atleta para sa iba pang patimpalak gaya ng Olympics.
Ani Diaz, hindi naman pwedeng i-asa lamang sa gobyerno, bagkus kailangan din ng suporta mula sa mga private sponsors upang mas madaling mapasakamay ang inaasam na gintong medalya para sa ating bansa nang may pagkakaisa.
“Iyon ‘yung importante siguro na ipaabot sa lahat, hindi lang sa gobyerno, pati sa private na para makaproduce tayo nang mas maraming Hidilyn Diaz, maganda sana kung bago pa ng kompetisyon, sama-sama talaga sumusuporta ang lahat kasi pinakita mo kaya eh, kaya ng Pilipino," panuportang tugon naman ni VP Robredo.
Sanggunian ng ulat: ABS-CBN News