Kusot Art, itinampok ng isang artist online
Nina Geelyn Avanceña at James Gabriel Regondola
Kusot Art o pagpipinta gamit ang pinaghalo-halong kusot o wood dust, uling, at tuyong mga dahon — ito ang ilan sa mga patok na likhang-sining na ibinida ng isang artist mula sa Kalibo, Aklan.
Photo Courtesy of Mark Fernandez Rolex Raet |
Kinaaliwan ng mga netizens online si Mark Fernandez Raet, 24, dahil sa kaniyang kahanga-hangang portraits ng ilang mga sikat na celebrity tulad nina Taylor Swift, Kathryn Bernardo, Raffy Tulfo, Kisses Delavin at Maine Mendoza.
Sinimulan niya ang paggawa ng mga kusot art noong Hunyo, 2020 gamit ang mga materyales na nakukuha niya lamang sa kanilang tahanan. Ang mga kusot ay nanggagaling sa mga pinagkatamang kahoy mula sa mga ginagawang furniture ng kanyang ama. Gumagamit din siya ng mga tuyong dahon ng saging, dinurog na uling at abo ng sinunog na kahoy.
“Noong nag-lockdown, doon ko lang naisipang mag-drawing. May nakikita kasi akong mga artwork sa [Facebook] at ang gaganda kaya naisipan ko ring gumuhit. Sinipagan ko talaga sa pagpa-practice. Tinuloy-tuloy ko na hanggang [sa] nahasa na ‘yung mga kamay ko sa pagguhit,” aniya sa isang panayam ng ExplainED.
Photo Courtesy of Mark Fernandez Rolex Raet |
Ang mga komisyong natatanggap niya sa pagpipinta at pagguhit ang tumulong sa kanyang pag-aaral sa kolehiyo pati na rin sa kanilang mga pangangailangan sa tahanan.
“Madami ring nagpapagawa kaya nakatulong ‘yon sa pag-aaral ko. Nakakatulong din ako dito sa gastusin sa bahay at sa pambayad sa tuition ko sa school. Kaya ngayon naka-graduate na,” dagdag pa ni Mark.
Mula sa mga komisyong nalikom niya sa paggawa ng mga obrang mula sa pinaghalo-halong kusot, uling at tuyong dahon ng saging, nakapagtapos na siya ng Kolehiyo sa kursong Bachelor of Science in Hotel and Restaurant Management.
“Diskarte lang talaga at malawak na pag-iisip... Para magawa [natin] ‘yung mga bagay na gusto [nating] gawin…” dagdag pa niya.