Marcial, ginulantang si Darchinyan via first round TKO; Biyaheng semis, kasado na
Nina Mark Jay Abante at Princess Xyrill Baua
LARAWAN MULA SA: Rappler |
TOKYO, Japan-- Diretso ang larga patungo sa semifinals ng Pinoy boxer na si Eumir Marcial matapos dominahin si Arman Darchinyan mula sa Armenia via TKO sa Men's Middleweight 69-75kg division na ginanap sa Kokugikan Arena, kaugnay ng 2020 Tokyo Olympics, Linggo
Isang solidong right hook punch diretso sa ulo ng kalaban ni Marcial ang nagpatapos ng maaga sa laban, may 49 segundo pang natitira sa Round 1.
Magkahalong gulat at saya ang naramdaman ng Pinoy boxer matapos ang maagang pagkapanalo nito, aminado rin siya na hindi niya inaasahang matapos ang laro sa unang round ng bakbakan.
“Hindi ko inexpect yung suntok. Basta ang akin lang, bitaw lang ako nang bitaw ng suntok ko. Ito naman yung pinag-ensayuhan namin,” bulalas ni Marcial.
Sa pamamagitan ng panalong iyon ng 25-anyos na boksingero ay tiyak na ang ikatlong medalya ng Pilipinas sa Tokyo Olympics at binuhay ang pag-asang mapasakamay ang unang ginto ng bansa sa naturang quadrennial meet.
Inumpisahan ng Zamboangueñong boksidor ang bakbakan sa isang agresibong laro at pulidong depensa sa pamamagitan ng maliksing pag-iwas sa mga atake ni Darchanyan sa loob ng isang minuto.
Naghain agad ng matitinding body punches combination sa primerang round si Marcial, kasabay nang pagtarget sa mukha ng katunggali na siyang nagpahirap sa Armenian athlete na mabaligtad ang tiyempo ng laro.
“Late minutes ng round, medyo nakukuha ko na yung laro niya. Suntok-alis lang ako, tapos medyo open guard lang ako para mas makita ko yung sunto niya.”
Samantala, binatikos naman ng world No. 5 na si Darchinyan ang aniyang isang foul na suntok ng pinoy na sumapol umano sa kaniyang likod ng ulo, ngunit tinawanan lamang ito ni Marcial.
“Yung plan ko talaga, ipa-pain ko yung mukha ko tapos counter ako. Kasi papasok talaga sya. So mas kita ko ‘yung suntok n’ya pag open guard ako,” pagtatapos ng boksingero.
Muling magpapamalas ng tikas at lakas ang Pinoy boxer kontra Ukraine's bet Oleksandr Khyzhniak para sa semifinals, ika-5 ng Agosto, Huwebes, alas-dos ng hapon, upang tangkaing mapasakamay ang gintong misyon sa finals ng nasabing Olympic game.
Mga sanggunian ng ulat: SPIN PH, Inquirer Sports