Nina Winlei Kim Castro at Sebastian Lei Garcia

PHOTO: Inquirer Sports



Kinapos sa dulo.

Nadiskaril ang pagsampa sa Olympics men's middleweight finals ni Zamboanga City pride Eumir Marcial matapos lasapin ang 3-2 pagkatalo kontra Oleksandr Khyzniak ng Ukraine, Huwebes sa Kokugikan Arena, Tokyo, Japan.

Humatol ng 29-28 ang apat na hurado, habang 30-27 pabor kay Khyzniak ang iskor mula kay judge Wilfredo Vasquez Calera ng Cuba.

"Siguro may plano pa ang Panginoon sa akin, kumbaga itong pagkatalo ko ay dahilan lamang para lalo akong lumakas," ani Marcial sa panayam mula sa News5.

Bigo sa ikalawang pagkakataon si 25-taong-gulang Marcial laban sa kaedad na Ukranian – ang una ay noong 2019 nang mapwersa ang Pinoy na sumuko sa ikatlong round sa Strandja Cup, Bulgaria.



Umangat sa 62-fight win streak ang pamamayani ni Khyzniak. Huling nakalasap ito ng talo noong 2016.

Determinadong makopo ang Olympic gold, kumayod ng dalawang knockout panalo si Marcial kontra Younes Nemouchi ng Algeria at Arman Darchinyan ng Armenia para makarating ng semis.

Tumatayo si flyweight finalist Carlo Paalam bilang huling baraha patungo sa pagdakip ng unang ginto ng Pilipinas sa kasaysayan ng Olympic boxing.

Pinatalsik ni tubong Bukidnon Paalam si Ryomei Tanaka ng Japan upang umusad sa gold medal match, kung saan makatatapat niya si Galal Yafai ng Great Britain.