TOP STORIES

6/recent/ticker-posts

[OPINYON] Labanan ang katiwalian

Ni Lianne Raeven Minor

Sa pagguhit ni Francesca Diane Tan

Kahina-hinala ang pagkaloob ng Technical Education and Skills Development Authority o TESDA ng P160 milyon sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict o NTF-ELCAC noong 2020 gayong wala namang direktang ugnayan ang dalawang ahensiya. Ang tanong ngayon ng marami: saan nga ba napupunta ang badyet na nakalaan para sa bayan?

Malaking bahagi ng pera, umaabot sa P41 milyon, ang nakalaan sa rehiyon ng Davao, sa lugar kung saan nagmula si Pangulong Rodrigo Duterte. Kaduda-duda ang anggulong ito lalo na't walang naitatalang proyekto kung saan gagamitin ang napakalaking parte ng badyet. Wala ring pahintulot mula sa Department of Budget and Management ang prosesong ginawa kung kaya't kinikwestyon ito ng mga Commission on Audit sa pinakahuling report na inilabas nito kamakailan. 

Maaaring makasuhan ng technical malversation ang walang pahintulot na prosesong ito ng TESDA. Ayon sa Revised Penal Code, ito'y isang krimen sa pagnanakaw sa kaban ng bayan. Tunay nga namang kahina-hinala ang aksyong ito ng dalawang ahensiya. 



Mga kaduda-duda rin ang mga gawain kung saan ginamit ang pondong ibinahagi, partikular na sa SOCCKSARGEN o rehiyon sa Central Mindanao. Base sa imbestigasyon ng COA, nagkakahalaga ng P6 na milyon ang iginasta para sa mga walang saysay na gawain tulad ng mga pagpupulong, mga kagamitan sa opisina, badyet para sa komunikasyon at transportasyon, at sa seguridad. Nakahihinala lalo na't maaaring ibinubulsa na lamang ito dahil hindi tiyak kung sa paanong paraan ba ito ginasta at kung bakit napakamalaking halaga ang nakaatang para dito.

Depensa ng TESDA, nakalaan daw ang pondo para sa pangkabuhayan at para sa pagpapaaral ng mga kabataan. Nakatalaga rin daw ang perang ito para sa mga nagbabagong-buhay na mga tauhan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at ng Philippine National Police (PNP). Ganoon man, hindi pa rin maaalis ang pagdududa sa isipan hindi lamang ng mga mamamayan kundi pati na rin ng mga nasa katungkulan. 

Ipinatawag ni Senator Franklin Drilon ang COA at ilan pang ahensiya ng pamahalaan para sa isang "special audit" sa pondo ng task force para sa taong 2021. Para sa kaniya, ang gawaing ito ng ahensiya isang uri ng "election giveaway". Bukod sa senador, naghihinala na rin ang mga mamamayan sa kung saan na nga ba napupunta ang badyet na para sa bayan lalo na't kamakailan lamang ay naihayag na mayroong P67 bilyong halaga ang nasayang ng Department of Health sa pagresponde laban sa pandemyang COVID-19.

Nararapat lamang na suriin ng mga mambabatas ang mga natuklasang iregularidad ng COA kabilang na ang kwestiyonableng paglipat ng badyet ng TESDA sa NTF-ELCAC. Dapat ay mapangalanan ang mga sangkot na tiwaling opisyal at masampahan sila ng kaukulang mga 
kaso. Ang pera ng mamamayan ay dapat na bumabalik sa kanila sa pamamagitan ng mga pampublikong serbisyo. Hindi dapat naibubulsa ang pondo ng bayan ng mga buwaya sa pamahalaan kaya naman dapat lamang na labanan ang katiwalian.