P5.024-T 2022 nat’l budget, aprubado na ni Digong
Ni Patrick Caesar Belas
PHOTO: PCOO |
Aprubado na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang panukalang P5.024 trilyong national budget para sa susunod na taon.
Sa kabila ng napabalitang medical leave ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary Wendel Avisado, siniguro naman ni Budget Undersecretary at Officer-in-Charge Tina Canda na naaprubahan na ng Office of the President (OP) ang proposed national budget bago lumisan ang nasabing kalihim.
Mas mataas ng 11.5 porsyento ang panukalang budget para sa 2022 kumpara sa nakaraang taong budget na P4.506 trilyon.
Ilan sa mga sakop ng budget ay ang mga ilang hakbang pagresponde sa pandemya gaya ng patuloy na pagdaragdag ng health care workers, procurement ng COVID-19 testing kits, pagtatayo ng Virology Institute of the Philippines, patuloy na mga programa na nakalinya sa Universal Health Care Act, at ang procurement ng COVID-19 booster shot.
Kaugnay nito, balak naman ng departamento na maisumite ang National Expenditure Program (NEP) o ang budget plan sa Kongreso sa Agosto 23, mas maaga sa itinakdang deadline na Agosto 25.
Matatandaang sasailalim si Avisado sa medical leave mula Agosto 2 hanggang 13 dahil sa COVID-19 at pinayuhan ng kanyang doctor na sumailalim sa "series of examinations."
Mga sanggunian ng ulat: Philippine Star, PhilStar News, Business Mirror