DOH aakuin na ang pagbili ng PPEs sa 2022 kaysa i-asa sa procurement agency
Ni John Emmanuell Ramirez
PHOTO: PCOO |
Pinangako ng Department of Health (DOH) na hindi na nila muling ipapaubaya sa 2022 ang pondong pambili ng COVID-19 supplies sa Procurement Service-Department of Budget and Management (PS-DBM) na gumastos nang sobra-sobra para sa equipment ng ahensya.
Sa House Hearing ukol sa budget deliberations ng DOH noong Huwebes, siniguro ni DOH Secretary Francisco Duque III na sila na mismo ang magsasagawa ng bidding sa mga personal protective equipment (PPE) at iba pang suplay na kukunin sa 19.68 bilyong pisong pondo para sa pandemya.
"Yes, your honor. We will do that," bitaw ni Duque matapos siyang idiin ni Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez na huwag na muling ibigay ang pera sa PS-DBM sa susunod na taon dulot ng alegasyon sa “overpriced” face masks at face shields.
"The situation has changed in the sense that we can now do the bids and awards, we have our own committee and we will be able to maximize this capacity," saad pa niya.
Matatandaang naghain ng report ang Commission on Audit (COA) hinggil sa kapabayaan ng DOH sa pagpoproseso ng mahigit 67 bilyong pisong pondong nailaan sa pandemya noong 2020, kabilang na ang kawalan ng memorandum of agreement (MOA) at iba pang dokumento sa pagtransfer ng pondo sa mga procuring agency.
Pinuna pa ng COA ang paggamit sa naitalang 41 bilyong pisong porsyon ng PS-DBM sa pagbili ng over-priced face masks at face shields.
Depensa naman ng DOH, hindi na kailangan ng MOA sa mga nagdaang transaksyon dahil itinuturing na “common-use supplies” ang mga nabiling suplay dulot ng pandemya.
Dahil na rin sa pinaluwag na procurement rules noong Marso 2020, diniin nila na maaari na silang makipagkontrata sa pagbili ng naturang suplay, basta’t ito ay isang “capable contractor.”
Sa kabilang banda, hinggil sa budget proposal, umabot sa 242.22 bilyong piso ang ilalaang kabuuang pondo para sa DOH sa taong 2022, kung saan 78.33 bilyong piso naman ang gagamitin para sa kabuuang pandemic response at mga programang kaakibat ng Universal Healthcare Law.
Diin ni Duque, 73.99 bilyong piso ang orihinal na suhestiyon ng ahensya sa COVID-19 response sa 2022 at ilalaan nila ito para sa “actual hazard duty pay, the SRA (special risk allowance), the meals, accommodation and transportation and life insurance for P50.41 billion,” ngunit nauwi lamang sa 19.68 bilyong piso ang inapruba ng DBM.
“Support to DOH hospitals would be P9.9 billion and the hiring of vaccinators in support of continuing efforts to provide coverage for our people is at P6.6 billion, and hiring of disease surveillance officers at P1.2 billion and oxygen need which is about P4.4 billion and others with the amount of P1.5 billion,” paliwanag ng kalihim.
Inamin din ng kalihim na ang pagbawas sa budget ang naging dahilan kung bakit walang pondong inilaan para sa pagsisiguro ng mga benepisyo at sustento sa mga healthcare worker sa inilatag na proposal.
Mga sanggunian: Philippine Daily Inquirer, GMA News, CNN Philippines