Duterte sa COVID-19 response: ‘Ginawa ko ang lahat ko’
Ni Nikki Coralde
PHOTO: PCOO |
Kasabay ng lumalalang bilang ng nagpopositibo sa COVID-19 at umano’y isyu sa paggamit ng pondo, idiniin ni Pangulong Rodrigo Duterte na ginawa niya ang lahat ng kaniyang makakaya sa pagharap sa pandemya.
Sa kaniyang Talk to the People nitong Miyerkules, Setyembre 8, humingi ng paumanhin ang Pangulo sa kaniyang mga pagkukulang at sinabi pa na ginawa naman niya ang lahat.
"Kung sabihin ninyo ako ang nagkukulang, sorry. Ginawa ko ang lahat ko. Kung ang lahat ko kulang pa, patawad po, ‘yan lang talaga ang kaya ko," sabi niya.
Matatandaan na kamakailan lamang ay nagkaroon ng imbestigasyon hinggil sa umano’y pagbili ng overpriced na supplies mula sa kumpanya na mayroong ugnayan sa dating adviser ng Pangulo.
Gayunpaman, inungkat naman ni Duterte na sinabihan niya ang Health Department na bumili ng supplies noong isang taon nang magsimula nang sumuko ang mga health workers sa COVID-19.
"Sabi ko nga, mamili ka kung saang palengke, bilhin mo na. That was my order and I take full responsibility for that order. Ako iyong nag-utos," aniya pa.
Dagdag pa niya, "Sa Pilipino, ito ang maiwan ko sa inyo, bababa rin ako, matatapos din ako balang araw. I will not be there for the longest time. Pero sabihin ko sa inyo, ‘yong oath of office ko, talagang tinupad."
Sanggunian ng ulat: ABS-CBN News