Galvez sa umano'y 'overpriced' PPE: ‘Nagmamadali po kami’
Ni Kier James Hernandez
PHOTO: PCOO |
Sa kagustuhang agarang mabigyan ng proteksyon ang mga healthcare workers nang magsimulang sumipa ang pandemya sa bansa, napilitan ang pamahalaan na bumili ng nagmamahalang personal protective equipment (PPE).
Ito ang iginiit ni vaccine czar Carlito Galvez Jr. bilang pagdepensa sa umano'y "pagmamadali" ng gobyerno sa pagkuha ng mga PPE galing China na nagkakahalaga ng P1,700 bawat isa.
“Noong nagbili po tayo ng PPEs Mr. President, talagang 37 po ang namamatay na doktor noon kaya po nagmamadali po kami. Ang PS-DBM [Department of Budget and Management – Procurement Service] po ang nakapagbigay ng suplay po na iyon," ani Galvez, na siya ring punong tagapagpatupad ng National Task Force (NTF).
Sinabi rin ni Galvez na bagaman mahal ang binili nilang mga PPE, may "mataas" naman umano itong kalidad dahil mayroon itong safety seal.
Base naman sa Task Force official, ang mga PPE na binili ng gobyerno mula sa Tsina ay mas mura kumpara sa nakaraang administrasyon.
“Ang P1,700 napakababa po noong panahon na iyon as compared ‘yong pricing list ng previous government na P3,800 po ang isang PPE," dagdag pa ni Galvez.
Gayunpaman, halos doble ito kumpara sa presyong itinakda ng Department of Health (DOH) sa panahon ng pandemya na P950.
Kaugnay pa nito, iwinika rin ni vaccine czar na wala raw silang makuhang mga PPE galing sa local production kaya napilitan na silang lumapit sa mga diplomatic arrangement ng bansa.
"Noong panahong nagkukumahog po tayo Mr. President at gusto niyo magproduce agad tayo ng PPE, talaga pong wala po kaming makuha sa local production and ang ginawa po namin naghanap po kami ng support sa ating mga diplomatic arrangement," aniya.
“Sa China lang po tayo makakakuha ng mababang presyo at magandang quality ng PPE," dagdag pa niya.
Ang pagiimbestiga ay bunsod ng ulat na inilabas ng Commission on Audit (COA) na namataan ng kakulangan sa pamamahala ng DOH sa P67 bilyong halaga na nakalaan sa pandemya.
Sanggunian ng ulat: Manila Bulletin