Thai researchers bumuo ng Robotic Arm para sa mas mabilis na produksiyon ng bakuna
Ni Cendie, Jr. Gonzales Bucog
PHOTO: Reuters |
Habang patuloy na gumagawa ng paraan ang bawat bansa kung paano masusugpo ang COVID-19, nakaimbento ng Robotic Arm ang isang pangkat ng mga mananaliksik sa Thailand para sa mas mabisang paggawa ng dosis ng bakuna.
Ang isang robotic arm, na itinukoy bilang "AutoVacc", ay maaaring makagawa ng halos 12 dosis ng bakunang AstraZeneca sa loob lamang ng apat na minuto mula sa isang solong botelya. Ang makinang ito ay binuo ng mga mananaliksik sa Chulalongkorn University sa Thailand.
Karaniwan, ang isang medikal na propesyonal ay maaaring makagawa ng hanggang 10 dosis mula sa isang solong botelya nang mano-mano. Subalit ang robotic arm na ito ay maaaring magdala ng tinatayang 20 porsyentong dagdag-produktibidad (11-12 dosis) mula sa karaniwang pamamaraan, ayon kay Juthamas Ratanavaraporn, ang pangunahing tagapag-aral ng koponan sa Biomedical Engineering Research Center ng naturang unibersidad.
Solidong Proseso
Dagdag pa ni Ratanavaraporn, kung mayroong AstraZeneca para sa 1 milyong katao, ang makinang ito ay maaaring dagdagan ang bilang ng mga dosis sa 1.2 milyong katao.
Sa ngayon, halos 17.6 porsiyento lamang ng populasyon sa Thailand ang nababakunahan. Ang ilang mga manggagawa sa kalusugan ay gumagamit na ng 'low dead-space syringes' upang makagawa ng hanggang sa 12 dosis bawat vial.
Samantala, ang prosesong ito ay nangangailangan ng mataas na antas ng kasanayan upang matiyak na walang pag-aaksaya at hahantong sa higit na kahusayan.
Dagdag pa niya, ang robotic arm ay makatutulong din sa mga propesyonal na medikal na makatipid ng mano-manong paggawa at maiiwasan ang pagkamali ng tao kapag pagod na sila.
Mabisang bakuna sa agarang suporta
Inilunsad ng mga mananaliksik ang robotic arm na ito sa oras ng pagtaas ng mga kaso sa Thailand na bunga ng Delta variant.
Subalit sa kasalukuyan, ang prototype machine ay nagkakahalaga ng higit sa $76,000, o halos 3.8 milyong pesos, at gumagana lamang ito sa AstraZeneca na mga multi-dosis na vial. Ang koponan ay nagpaplanong gumawa ng mga katulad na makina para sa mga bakunang Pfizer at Moderna.
Sinabi ng mga mananaliksik na dapat na makagagawa sila ng 20 pang unit ng AutoVacc sa loob ng tatlo o apat na buwan, ngunit ang pondo at suporta ng gobyerno ay kinakailangan upang mapalawak ito sa buong bansa.
Normal na tao lang din ang ating mga eksperto na makakaramdam ng pagod. Kaya nangangailangan tayo ng makina upang mas mapabilis ang paggawa ng bakuna lalong-lalo na't nagkakaroon ng maraming variants sa COVID-19.
Sanggunian ng ulat: ABS-CBN News