Ni Monica Chloe Condrillon

PHOTO: RTVM Screenshot

Sinisi ng Malacañang ang pagsusuri ng Senado tungkol sa umano'y pagbili ng gobyerno ng overpriced na mga medical supplies bilang rason sa pagbagal nang pagtugon ng gobyerno sa pandemya. 

Isinaad ni Presidential Spokesperson Harry Roque na nagugugol ang oras ng mga opisyal sa pagtugon sa mga pagpupulong at imbestigasyon na itinakda ng senado.

“Ang sinasabi lang ni Presidente, yung mga taong dumadalo sa pagpupulong, kasama dyan ang DOH sec, vaccine czar, testing czar, ‘yung oras na nauubos sa pagdalo ng mga pagpupulong na ito ay oras na dapat ginugugol sa COVID,” pahayag niya sa isang palace briefing noong Lunes.

Ito ay matapos niyang ipagtanggol ang pangulo sa mga tanong kung bakit ito abala sa pamimintas sa mga senador sa halip na tutukan ang mga problemang kinakaharap ng bansa sa gitna ng COVID-19.

“Walang hupa ang ating COVID response, nakikita niyo naman pataas nang pataas ang ating nababakunahan. Pero importante naman na panindigan ng Presidente ang gobyerno, ang taong gobyerno, lalung lalo na kung sa tingin nya ay wala namang pagkakasalang nagawa,” dagdag ni Roque.

Aminadong naghahanap si Pangulong Duterte ng kamalian sa imbestigasyon ng senado para ipagtanggol ang mga inosenteng opisyal ng gobyerno.

Gayunpaman,  wala kapangyarihang mangialam ang pangulo dahil isang hiwalay na sangay ang senado ng pamahalaan.

“Ang pakiusap lang, nasa gitna pa tayo ng pandemya, hayaan natin yung mga taong talagang silang nakatutok sa COVID na magawa ang kanilang mga katungkulan,” muling panayam ni Roque.


Sanggunian ng ulat: Philippine Daily Inquirer