Ni Jhennisis Valdez

PHOTO: Carla Carniel/Reuters

Dahil sa takot, pilit na tinataboy ng mga tao ang makamandag at nakamamatay na ahas. Ngunit ganito pa rin kaya ang magiging sitwasyon kung ang ahas na kinatatakutan ng karamihan, ay maaaring sagot upang malunasan ang COVID-19. Papatuklaw ka ba?

Naglabas ng isang pag-aaral ang Scientific Journal Molecules sa Brazil nitong nakaraang buwan, na kung saan isa ang jararacussu pit viper snake sa maaaring maging lunas ng virus na kinakaharap natin ngayon.

Isa ang jararacussu pit viper sa malalaking uri ng ahas sa Brazil; may laki itong anim na talampakan, at may haba naman na dalawang metro. At kadalasang matatagpuan ito sa Atlantic Forest, Bolivia, Paraguay, at Argentina. 

PHOTO: Venom Pharmacy

Ayon sa pag-aaral, nakakita sila ng isang molecule na galing sa nasabing uri ng ahas na mayroong 75% abilidad na makapigil sa pagkalat ng virus cells sa katawan ng isang unggoy.

"We were able to show this component of snake venom was able to inhibit a very important protein from the virus," dagdag ni Rafael Guido, propesor sa University of Sao Paulo, Brazil at ang nagsagawa ng pag-aaral.



Tinatayang ang sinasabing molecule na galing sa ahas ay isang peptide o chain ng amino acids, na kung saan madaling makakonekta sa enzyme ng coronavirus na tinatawag na PLPro, na tumutulong upang mapahina ang virus ng hindi nasasaktan o nadadamay ang ibang cell sa katawan. 

Dahil sa pagsasapubliko nito ayon kay Guido sa isang panayam, ang pangongolekta nito ay para lamang sa mga laboratoryo, at ang pagkuha at pag-aalaga ng ganitong uri ng ahas ay hindi kailangan.

"We're wary about people going out to hunt the jararacussu around Brazil, thinking they're going to save the world ... That's not it!" Ayon kay Giuseppe Puorto, isang herpetologist na nagpapatakbo ng Butantan Institute's Biological Collection sa Sao Paulo, Brazil. 

"It's not the venom itself that will cure the coronavirus," dagdag pa ni Puorto.

Samantala ayon naman sa State University of Sao Paulo (Unesp) na kung saan isa rin sa nagsagawa ng pag-aaral, patuloy pa rin nilang pinag-aaralan ang molecule, upang mapigilan ang pagpasok ng virus sa cell ng ating katawan.

Sa ngayon sa unggoy pa lamang nila ito nasusubukan, ngunit ninanais din nilang masubukan ito sa tao upang mas lalong maging tumpak ang nasabing pag-aaral.


Sanggunian ng ulat: Reuters