Ni Roland Andam Jr.

PHOTO: ABS-CBN News

Patalsikin na ang mga "talipandas at walang malasakit sa taumbayan" na kawani ng pamahalaan.

Ito ang panawagan ni Manila Mayor Isko Moreno kay Pangulong Rodrigo Duterte nitong Miyerkules, Agosto 8, kasabay pa ng muli niyang pamumuna sa mga pinamili ng gobyernong overpriced ngunit aniya'y "walang bisang" face shields, sa halip na mga gamot laban sa Coronavirus Disease.

"Bilyon ang ginastos ninyo sa plastic na walang bisa pero wala tayong remdesivir, tocilizumab. Ni hindi ninyo maibigay yung marapat sa health worker. Tapos kung makapag-Pharmally kayo para kayong family," pahayag ni Moreno sa isang event na ginanap sa Arroceros Urban Forest Park Redevelopment sa Maynila. 

Dagdag pa ng Alkalde, "Ako ayaw ko ng away e... Ang hirap kausap ng bingi... Sa atin, wala kasi silang idea. Sila namumuhay sa Disneyland, hindi na sa reality."

Matapos nito, umapila na si Moreno sa Pangulo na sibakin na sa posisyon ang mga opisyal na "walang malasakit sa kapwa," lalo pa't patuloy aniya ang pagtaas ng bilang ng mga nasasawi bunsod ng COVID-19.

"Namamatay ang tao, brad, nangangamatay ang tao, ako nananawagan ah gusto niyo lumuhod pa ako. Nananawagan ako sa inyo Mr. President tanggalin ninyo yung mga taong walang malasakit sa kapwa niya," pakiusap niya.

Umaasa si Moreno na sa natitirang walong buwan sa termino ni Duterte ay magawa niyang patalsikin ang mga tinutukoy niyang mga opisyal.

"Kaya ako Mr. President, nakikisuyo lang, we still have eight months . I don't  want to teach you what to do pero nakikiusap lang kami. Nakikiusap lang Mr. President. na tanggalin mo na yung talipandas na kawani ng pamahalaan. Yung walang malasakit," hirit pa niya.


'Isko, hindi namumulitika'

Pinabulaanan naman ng Alkalde ang mga naunang patutsada sa kanya ni Presidential Spokesperson Harry Roque ukol sa umano'y "panliligaw" niya sa mga mamamayan para sa nalalapit na halalan.

Ito aniya ang dahilan, ayon kay Roque, kung bakit pinupuna ni Moreno ang pagpapagamit ng gobyerno ng face shields sa madla.

"Gaya po ni Vice President Leni Robredo, kandidato rin po iyan. Asahan na natin ang ganitong mga salita dahil kailangan nilang ligawan ang mga mamamayan," saad ni Roque. 

Sinagot naman ito ni Mayor Isko at sinabing hindi tungkol sa pulitika ang kanyang mga kritisismo. 

Giit pa niya, gamot ang kailangan ng mga mamamayan at hindi na dapat pang ipagpilitan ang paggamit ng face shield.

"'Wag na kayo makipagkulitan sa'kin. Walang bisa ang face shield, bakit ba yan pinipilit nyo?  Gamot, gamot, gamot ang kailangan ng tao. Umiiyak ang mga nanay, yung anak nila severe, umiiyak mga anak, apo, tiyuhin nila,  kaibigan nila di mabigyan ng tamang lapat tapos ito politika," wika niya.

Samantala, nag-iwan din ng hamon si Moreno sa mga nasabing "walang malasakit" na opisyal na haharapin sila nito sa susunod na buwan, Oktubre 2021, na siya ring nakatakdang panahon ng pagpapasa ng certificate of candidacies para sa Eleksyon 2022.

Ngunit bago ito, dapat daw munang bumili ng gamot pangontra sa COVID-19 ang pamahalaan.

"Anyway, kakaharapin ko naman kayo sa Oktubre. Bago dumating ang Oktubre, bumili muna kayo ng tocilizumab ngayon," diin ng Mayor.


Sanggunian ng ulat: GMA News