Magnolia, SMB, Alaska, kumubra ng panalo ngayong araw sa PBA
Ni Axell Swen Lumiguen
Pare-parehong wagi sa kanya-kanyang laro nito ngayong araw ang Magnolia Hotshots, San Miguel Beermen, at Alaska Aces upang umangat sa standings sa pagpapatuloy ng PBA games sa Don Honorio Ventura State University Gym (DHVSU), Bacolor, Pampanga ngayong Biyernes, September 17.
Sa unang laro, sumandal ang Hotshots sa clutch performance ni Calvin Abueva matapos ibuslo ang buzzer beater floater nito para itakas ang 90-89 win kontra Northport Batang Pier.
PHOTO: GMA |
Tumipa ng 15 puntos, 5 boards, 5 assists, 4 steals, at 2 blocks si Abueva para sa Magnolia. Nanguna sa scoring ng koponan si Ian Sangalang na tumapos ng game-high 26 puntos at 15 rebounds.
Sa panig ng Northport, nanguna ang 7'0 center na si Greg Slaughter ng 21 puntos, habang nag-ambag ng 16 at 14 marka sina Sean Anthony at Jamie Malonzo, ayon sa pagkakasunod-sunod.
Abante sa ikatlong pwesto sa standings ang Magnolia dala ang 7-3 record habang natanggap ng Batang Pier ang ikalawang sunod na talo para sa 4-5 kartada.
Sa ikalawang laro, pasok na sa quarterfinals ang Beermen sa bisa ng dominanteng 110-80 panalo kontra sa Phoenix Fuel Masters.
PHOTO: GMA |
Tangan ang 6-3 kartada, nakaupo sa ikaapat na pwesto sa standings ang Beermen sa tulong ng 24 puntos ni CJ Perez, habang may 19 puntos si Moala Tautuaa, at 18 puntos at 11 rebounds naman si star big man 6'10 Jun Mar Fajardo.
Dikit pa ang laban matapos ang first half, 55-47, kalamangan ng SMB, ngunit nagpakawala ang Beermen ng 30-12 scoring sa ikatlong kanto para hawakan ang 85-59 advantage papasok ng huling period.
Hindi na nakaahon pa mula rito ang Fuel Masters kaya sumadsad ito patungo sa ikasampung pwesto sa standings hawak ang 4-7 rekord, sa kabila ng 18-point, 9-rebound performance ni Jason Perkins.
Sa ikatlo't huling laro, nagpamalas din ng Alaska Aces kontra sa crowd-fave Barangay Ginebra San Miguel matapos ang 89-75 win nito ngayong gabi.
PHOTO: Rappler |
Itinanghal na Best Player of the Game si Abu Tratter na nagtala ng 13 puntos at 4 rebounds, habang tumulong sa balanseng opensa ng Aces sina Maverick Ahanmisi, Jeron Teng, at Robbie Herndon na may tig-10 puntos.
Ito ang unang laro ng Aces matapos ang one-week hiatus nito para sa health and safety protocols para kubrahin ang 3-4 rekord matapos ang panalo.
Sa unang bahagi pa lamang ng laro ay kinakitaan na ng malamyang opensa ang Ginebra matapos ang 23-8 first quarter, at 43-25 halftime advantages ng Aces kontra sa kanila.
Hindi na pinaporma pa ng Aces ang Gin Kings kahit pa nagragasa ng opensa si Stanley Pringle, na tumapos ng 20 points matapos ang scoreless first half nito.
Nagtala ng double-double 17-point, 12-rebound statline si Scottie Thompson habang napigilan ang main guns na sina L.A. Tenorio at Christian Standhardinger na may 9 at 8 puntos, ayon-sa pagkakasunod-sunod.
Laglag patungong ikasiyam na pwesto ang Ginebra hawak ang 4-6 rekord at nasa bingit ng pagkalaglag sa playoff contention.
Magsasagupa bukas ang Meralco Bolts at Blackwater Bossing ng alas-dos ng hapon, habang susubukan ng Aces gumuhit ng back-to-back win sa paglaban nito sa top-seed Talk and Text Tropang Giga, sa 4:35 ng hapon.