Ni Charmaine Delos Santos

PHOTO: Rjay Tejam/Google Maps

Matapos tumigil ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM) sa pagiging CoronaVirus Disease-2019 (COVID-19) testing center, sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na sigurado siyang may iba pang mga dahilan sa nasabing pangyayari sapagkat hindi lang naman RITM ang nagsasagawa ng COVID-19 testing sa Pilipinas.

Sa isang press briefing, ipinahayag ni Roque na medyo eksklusibo silang nagtitiwala sa private sector kaugnay sa mga COVID-19 testing. Aniya, 72,000 tests kada araw ang ginagawa nila na umabot sa libu-libong numero ng mga laboratoryo.  

Sa kabilang dako, kinuwestyon nina Bise Presidente Leni Robredo at Senador Nancy Binay ang pagkawala ng RITM kung kailan kailangan ito ng bansa sa gitna ng pandemya. 

“Magugulat ka kasi at a time like this na nasa gitna tayo ng pandemya, bakit ‘yong mga nabawasan ‘yong mga importanteng mga activities o mga programs, gaya ng Department of Health, ng RITM,” ani ni Robredo sa DZXL Radyo Trabaho.



Ayon kay Robredo, naguguluhan siya sa nangyari kaugnay sa pagtigil ng RITM na magsagawa ng COVID-19 testing dahil pwede naman daw humingi ng tulong sa Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF) para malutas ang nasabing pangyayari. 

“Magkakaroon lang siya ng pera ‘pag mayroong sobra dun sa revenue minus expenses natin. Kung walang sobra, wala ding pondo. Gusto sabihin, ‘di siya priority ng pamahalaan,” pahayag ni Robredo. 

“What's happening? Ang kalaban natin ay COVID. Mas importante ba ang ELCAC kaysa RITM? It does not make sense. Government seems to be removed from the realities on the ground,” ani Binay. 

Bilang payo, sinabi ni Binay na dapat mas palakasin ang mga public health service institutions kaysa pahinain kada papasok at lalabas ang isang taon para matiwasay ang maging pamamalakad sa susunod pang mga araw o taon.