Moderna COVID-19 vaccine, aprubado sa edad 12-17
Ni Ricci Cassandra Lim
PHOTO: Norway Today |
Matapos ang Pfizer-BioNTech, nakatanggap na rin ang Moderna Inc. ng Emergency Use Authorization (EUA) upang mapalawig ang paggamit ng bakuna kontra COVID-19 sa mga edad 12-17.
Binigay ito ng Food and Drug Administration (FDA) nitong Biyernes, Setyembre 3, matapos ang mabilis na paglaganap ng Delta variant maski sa kabataan.
Ikalawang bakuna na ito na gawa ng Estados Unidos na nakatanggap ng naturang permiso matapos makakuha ng EUA ang Pfizer noong nakaraang buwan.
Ayon kay FDA Director-General Eric Domingo, isasailalim muna ito sa masusing pag-aaral bago pahintulutan ang paggamit.
“After a thorough evaluation by our vaccine experts and our regulatory experts sa FDA, in-approve na namin ngayong araw na ito ang paggamit under emergency use authorization ng Moderna vaccines for adolescents aged 12 to 17,” aniya.
Idinagdag niya na dapat pa ring bantayan ang ‘very rare’ na mga kaso ng Myocarditis o pamamaga ng kalamnan sa puso para sa mga makatatanggap ng bakuna.
Ito ay matapos makapagtala ang Estados Unidos ng 2,574 na kaso nito.
Nakita naman ng mga eksperto ang dulot ng Delta variant sa maraming kabataan at mas lamang naman umano ang mga benepisyo na makukuha kumpara sa panganib na dulot ng bakuna.
Bukod dito, nasa Department of Health pa rin ang desisyon kung ituturok na ito agad sa kabataan.
"The decision on prioritization in the vaccination program is with the DOH and the task force on vaccination," saad ni Domingo.
"If they decide that the prioritization will already reach those less than 18, then the 12 to 17 years olds may already be vaccinated," dagdag niya.
Mga sanggunian: Sun Star, Philippine Daily Inquirer, ABS-CBN News