Oftana, sinalba ang NLEX mula sa Meralco; TNT, nilaglag ang Ginebra
Ni Axell Swen Lumiguen
Sa bisa ng game-winning layup ni Calvin Oftana, nalampasan ng NLEX Road Warriors ang twice-to-beat disadvantage kontra Meralco Bolts para sa 81-80 panalo, habang tuluyan nang diniskaril ng Talk n Text Tropang Giga ang Brgy. Ginebra San Miguel, 84-71, upang umabante sa semis ng PBA Philippine Cup, sa DHVSU Gym, Bacolor, Pampanga, kanina.
PHOTO: PBA Photo Bureau |
Sa unang laro, lamang ang Bolts ng 80-79, nang maibuslo ni Oftana ang layup matapos ang inbound pass mula kay Jericho Cruz, may 6.1 segundo na lamang ang nalalabi.
Sinubukan ng Bolts na umiskor pa pabalik ngunit nadepensahan na ni JR Quiñahan ang desperation trey ni Cliff Hodge para nakawin ang panalo.
Pinangunahan ni Anthony Semerad ang opensa ng NLEX tangan ang 23 puntos, habang may sargong 13 at 12 puntos sina Don Trollano at Oftana.
Sa panig ng Meralco, naglista si Allein Maliksi ng 16 marka, habang nalimitahan sa pito at anim na puntos ang duo nina Chris Newsome at Hodge.
PHOTO: PBA Photo Bureau |
Muling magtutuos sa do-or-die game ang Meralco at NLEX sa biyernes, kung saan ang mananalo ay makakaharap sa semis ang maghahari sa hiwalay na serye ng Magnolia Pambansang Manok at Rain or Shine Elastopainters.
Sa huling laro, sumandal ang TNT sa pinagsamang 31 puntos nina Roger Pogoy at Troy Rosario para tanggalin ang pagkakataon ng Ginebra na depensahan ang kanilang Philippine Cup title.
Dikit pa ang laban pagpasok ng halftime, 39-33, kalamangan ng TNT, nang biglang pumutok ang opensa nila para tapusin ang ikatlong kanto tangan ang 66-49 advantage.
Mula rito ay hindi na lumingon pa pabalik ang TNT at tuluyan nang tinuldukan ang kampanya ng Ginebra matapos lumamang ng 84-64 advantage, lampas dalawang minuto na lang sa laro.
Sa panig ng Gin Kings, si Christian Standhardinger at Stanley Pringle lang ang nakadouble-digit scoring matapos maglista ng 17 at 15 puntos, ayon sa pagkakasunod-sunod.
Naghihintay na ang TNT sa magwawagi sa pagitan ng San Miguel Beermen at Northport Batang Pier upang kanilang makalaban sa semis.