Ni Cherry Babia

PHOTO: WE THE PVBLIC

Mariing iginiit ni Senador Manny Pacquiao na hindi siya katulad ng ilang mga trapo (traditional politicians) na nagbubulag-bulagan sa di-umanong matinding korapsyon sa loob ng pamahalaan na sumisira sa gobyerno ng bansa. 

"Anong gagawin ko? Basta tumahimik ako? Hindi naman ako katulad nilang mga trapong politiko eh," saad ni Pacquiao sa isang panayam kasama ang television host na si Toni Gonzaga-Soriano nang maimbitahan sa kanyang YouTube channel noong Setyembre 19, ilang saglit matapos niyang ideklara na tatakbo siya bilang presidente sa susunod na eleksyon.

Inilahad din niya sa interbyu na simula noong mahalal siya bilang senador  noong 2016, sinimulan na rin niya umano ang pag-iimbestiga hinggil sa korapsyon sa bansa. 

Kabilang na roon ang pagsisiyasat sa sinasabing road right-of-way scam noong 2017 sa General Santos City. 

"Ayokong maging trapo na, ‘Ah kasi kakampi ko ito, pagtakpan kahit maraming korapsyon sabihin ko na lang walang corruption.’ Hindi ako ganun eh. Magkakampi tayo, magkasama tayo, support ako sa lahat ng mga program pero pagdating sa masama, pasensyahan tayo," ani ng senador.

Base sa sarili niyang pahayag, nakapagbigay na umano siya ng 1,000 pabahay sa ilang mga pamilya sa bansa gamit ang kanyang sariling pera.

"Bilyon-bilyon ang nagastos ko pero kung isipin ko lang sarili ko, bakit ko gagastusin sa mga tao ‘yun… Totoo ang sinasabi ko na kailangan kong balikan ang mga kasama kung saan ako nanggaling, tulungan sila," dagdag niya.

Nang tanungin kung ano ang ikinokonsidera niyang pinakamalaking problema sa bansa, ang sagot ni Pacquiao, "Kahirapan."

"And the reason why there's poverty? Massive corruption," paliwanag niya .


Sanggunian ng ulat: Philippine Daily Inquirer