TOP STORIES

6/recent/ticker-posts

Pagpapalawig ng MECQ sa NCR, ikinadismaya ni Isko

Ni Cherry Babia

PHOTO: Mayor Isko Moreno FB

Ipinahayag ni Manila Mayor Francisco "Isko Moreno" Domagoso nitong Miyerkules ang kanyang pagkadismaya sa naging desisyon ng gobyerno na mas palawigin pa ang Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) sa buong National Capital Region (NCR) hanggang Setyembre 15.

Ayon kay Mayor Isko, nagulat umano siya at ang lahat ng mga alkalde sa Metro Manila sa biglaang desisyon ng Inter-Agency Task Force (IATF) na manatili sa MECQ salungat sa una nitong desisyon na luwagan ang status ng rehiyon sa General Community Quarantine (GCQ).

"Pinili natin iyan kaya magkaisa na lang," saad ng Mayor ng Maynila sa isang ambush interview sa Arroceros Urban Forest Park.

Sinabi rin niyang hindi niya masisisi ang ilan sa mga simbahan sa Maynila sa pagsuspinde sa selebrasyon ng mga public masses.



"Pag pabago-bago, 'di mo masisisi yung simbahan, nakita ko yung statement ng simbahan, sabi nila: Saka na lang kami magdedesisyon kapag nakapagdesisyon na kayo, o kung may direksyon na kayo," dagdag niya.

Sinabi naman ni Presidential Spokesperson Harry Roque noong Martes na sa pagpapatuloy ng MECQ sa buong Metro Manila, patuloy na magsasara ang mga in-door at al-fresco dine-in services, maging ang mga personal care services sa rehiyon, kabilang na ang beauty salons, parlors, at nail spas.

Tanging ang mga serbisyong panrelihiyon na ginaganap online ang pinapayagan ng alkaldeng magpatuloy.