Palasyo, nanindigang hindi pork-barrel ang inilaang P10-B fund sa 2022 budget
Ni John Emmanuell P. Ramirez
PHOTO: PCOO-OPS |
Pinabulaanan ni Presidential Spokesman Harry Roque ang pinaghihinalaang “pork-barrel” na 10 bilyones na isiningit ‘di umano sa 2022 budget, na sa katunaya’y gagamitin palang suporta sa mga dehadong lungsod na “kanya-kanyang bayad” sa mga serbisyo ng pamahalaan sa susunod na taon.
“Guni-guni lang ‘yan,” ito ang banat ni Roque laban sa alegasyon ni Gabriela Women’s partylist Rep. Arlene Brosas noong Linggo na “bagong pork barrel variant ito” kung hindi lilinawin ng gobyerno kung saan at kanino mapupunta ang 10 bilyong pisong inilaan sa bagong Great Equity Fund (GEF).
Sa isang press briefing noong Lunes, ipinaliwanag na ni Roque na makakatanggap sa kauna-unahang pagkakataon sa 2022, ang bawat lokal na gobyerno ng 37 bahagdan na paglaki ng kanilang Internal Revenue Allotment (IRA), pero sila na mismo ang gagastos sa serbisyo ng mga national department.
“Ang problema po, hindi lahat ng lokal na pamahalaan ay gaya ng Makati na mayaman,” bawi ng spokesperson, habang tinutukoy ang pinakamayamang siyudad sa bansa.
Bilang kompromiso dahil aakuin na ngayon ng mga munisipalidad ang gastos ng serbisyo ng mga kagawaran ng Social Welfare and Development (DSWD), Agriculture (DA), at Health (DOH), makakatanggap ang mga 4th, 5th, at 6th class municipalities ng GEF sa 2022.
“Maski gawin mong 37 percent more ang kanilang budget, hindi sapat para sagutin 'yong gastos dati ng DA, DOH, at saka ng DSWD. D'yan po papasok 'yong equity fund,” saad ni Roque.
GEF: Greater Election Funds
Nag-akusa ‘di umano si Rep. Brosas na baka maging “Greater Election Funds” ang GEF na mistulang pork barrel fund kung iisipin, dahil aniya, “this is a lump-sum allocation that is open to abuse and politicking if the [local governments] will not be identified.”
“This 10-billion pesos Growth Equity Funds looks more like Greater Election Fund, as it can be arbitrarily used to ensure votes for Duterte and his top bets in the 2022 elections. This is a new pork barrel variant,” wika ni Brosas.
Ang pork barrel, ayon sa Korte Suprema, ay ang paglalaan ng pondong dapat sana’y ginugugol sa mga lokalisadong proyekto, bagkus ay napagsamantalahan na pala ng mga kinatawan ng distrito sa kanilang pansariling interes.
Matatandaang naihayag ito sa Supreme Court (SC) ruling noong 2019, na naisulat ni Associate Justice Estela Perlas-Bernabe, ukol sa 2013 Belgica case na nagtuldok sa hindi konstitusyonal na paggamit ng Malampaya Fund at President Social Fund na labas sa kanilang orihinal na layon.
Pagbabagong Piskal
Paliwanag naman ni Brosas, nilalayon umano ng GEF na matulungan ang mga LGU sa implementasyon ng Mandanas ruling sa 2022.
Ang Mandanas ruling ay tumutukoy sa 2018 SC decision na kokompyutin na ang parte ng mga lokal na gobyerno sa national revenue depende sa kabuuang nasyunal na buwis at hindi na lamang sa internal revenue taxes.
Dahil dito, makakaranas ang mga LGUs ng paglobo sa kabuuang pondo, ngunit ang mga maliliit na bayan naman ang madedehado dahil makakatanggap lamang sila ng maliit na parte na porporsyonal sa bahagdang makukuha ng mas malalaking distrito.
Kung tutuusin noong Hunyo 1, inaprubahan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Executive Order (EO) No. 138, na magbubuo sa Commission on Devolution (ComDev) na magbibigay-tulong sa kanya sa paghahati-hati ng pondo, kung saan inihayag ng Korte na mga LGU na ang magreremita sa bawat kwarter.
Inatasan ang ComDev na isaayos at ipaapruba ang GEF sa Kongreso upang masolusyunan ang mga isyu hinggil sa marginalization, hindi sabay-sabay na pag-unlad, malaking bahagdan ng kahirapan, at pagkakaiba sa piskal na kapasidad ng mga LGU.
Babala naman ng World Bank (WB), baka masayang lang ng mga LGU ang pondo, kung mismong Palasyo nga, hindi pa ginagastos ang inilaang pondo para sa kanila.
Banat and Management
Itinanggi rin naman ng Department of Budget and Management (DBM) ang alegasyon ni Brosas na “pork-barrel-in-disguise” ang GEF, at sinigurong handang magdagdag ng mga kondisyon ang Kongreso sa lehislatura para sa paglabas ng pondo.
“She is free to call it whatever she wants,” mariing sinabi ni DBM Officer-In-Charge at Undersecretary Tina Canda, sa kanilang paninindigan sa legalidad ng naturang pondo.
“Actually the amount is for the use of the 4th-5th-6th class municipalities for them to be on a par with other LGUs in terms of planning and project implementation. They are the ones which can access this fund,” dagdag pa niya.
Kamakailan lamang noong nakaraang linggo, nabanggit din ng Department of Interior and Local Government (DILG) sa isang forum na planong ilapag ng Cabinet-level Development Budget Coordination Committee (DBCC) ang 70 bahagdan ng 10 bilyones na GEF sa kaban ng 258 nangangailangang munisipalidad.
Ang natitirang tatlong bilyong piso ay maibabahagi sa 16 probinsyang mapapasailalim sa GEF.
Paalala naman ni DILG Director Annaliza F. Bonagua, ipepresenta pa lamang ang naturang plano sa susunod na pagpupulong nila kasama ang ComDev ng pangulo.
Mga sanggunian: ABS-CBN News, Supreme Court, Manila Bulletin, Philippine Daily Inquirer, Business Mirror