Ni Xhiela Mie Cruz

PHOTO: OVP

Inihayag ni Vice President Leni Robredo ang kaniyang saloobin tungkol sa usaping COVID-19 kung saan inamin nitong gusto niyang magkapapel at solusyunan ang naturang isyu na kinakaharap ng buong bansa.

Sa isang panayam kasama ang Rappler Talk noong Biyernes, nabanggit ng bise presidente na ang dalawang taong paghihirap ng mga kapwa Pilipino ang isa sa mga nagtulak sa kaniya upang personal nang magnais na makiisa at magpatupad ng mga programa bilang tugon sa pandemya.

“Alam mo, nate-tempt na ako magsabi na pwede bang bigyan n’yo ako ng pagkakataon na tumulong at mag-manage basta bigyan lang ako ng blanket authority. Siguro naman mag-iimprove naman ito,” mariing sabi ni Robredo.

“Ang daming kailangang gawin na hindi ginagawa, and nakakasama ng loob kasi last year pa ‘to hinihingi, last year pa hinihingi,” dagdag pa nito.

Bago pa ito, matatandaang marami nang ibinigay na pananaw ang bise presidente sa simula pa lamang ng pandemya katulad ng kung paano nito labis na naaapektuhan ang health crisis sa bansa.



Sa kabila nito, isinawalang-bahala lamang ng mga opisyales ng gobyerno ang lahat ng pahayag ni Leni kahit na nagpumilit pa itong dinggin ang kaniyang mga hinaing.


Solusyon ni Robredo

Inihirit naman ng bise presidente na ang maaaring gamiting pondo para sa pangangailangan at pag-alam sa mga bagay na kailangang-kailangan ang isa sa mga katugunan upang mabigyan ng karampatang aksyon ang laban kontra sa pandemya.

Ipinunto rin ni Robredo sa isang panayam sa ABS-CBN Channel’s Headstart noong Lunes na hindi umano nagagamit nang tama ang mga pampublikong pondo na nangangahulugang mas mainam pa ang paggastos.

“Sa akin, we have seen may mga COA reports. Ang una kong gagawin, titignan ko how much money do we have now. Ano ba ‘yong available na pera, itatabi natin ‘yon sa kung ano ba ‘yong pinaka-kailangan,” ani Robredo.

“Halimbawa, ang isa sa pinaka-kailangan ngayon, ‘yong pag-asikaso sa mga healthcare workers natin. So titignan ko na, ito bang pera natitira natin, pwede ba natin itong gastusin para sa healthcare workers? Kasi kung hindi, kailangang may gawin tayo. Halimbawa, babalik ba tayo sa Kongreso para magkaroon ng realignment?” dagdag ni Robredo.

Aniya, prayoridad ang dapat na nauuna katulad ng kung kailangan umano ng mga pasyente ng ventilators at oxygen, health workers naman para sa mga ospital, ito dapat ang nabibigyan ng agad-agarang tugon.