Roque, kinumpara ang nagastos ng administrasyong Duterte vs Aquino para sa PPEs
Ni Charmaine Delos Santos
PHOTO: Cebu Site |
Kinwestyon ni Presidential Spokesperson Harry Roque sa isang press briefing si Senate Minority Leader Franklin Drilon kaugnay sa nagastos ng administrasyong Aquino para sa mga personal protective equipment (PPE). Aniya, mas nagastusan ang PPEs noon kaysa ngayon dahil bukod sa wala pa noong pandemya ay nagkakahalaga umano noon ng humigit 3,000 pesos kada piraso.
Matapos batikusin ng publiko ang gobyerno kaugnay sa ‘overpricing of PPEs’, inamin ni Roque na 1,700 pesos ang bili nila sa bawat piraso ng PPEs ngayon kaya hindi ito matatawag na ‘overpriced’ lalong lalo na’t higit na kailangan ito ng bansa sa panahong ito.
“Sa katunayan, pruweba na hindi po ito overpriced, magkano ba ang binili, magkano ‘yong presyo ng PPEs na binili ng Aquino administration? P3,500. Kailan? September 28, 2015. Matter of days bago bumaba sa pwesto ang Aquino administration, magkano binili na PPE? P3,800, June 23, 2016,” ani Roque
“Alam niyo po sabi nila, pag ikaw nagduro, apat, apat na daliri ang nakaturo sa inyo. Ganiyan po ang nangyari doon sa di umano overpriced PPE,” diin ni Roque.
Matawa-tawang inamin ni Roque na mayroon daw talagang kumita ngunit hindi ito ang administrasyong Duterte. Kung ating titignan, kamakailan lamang ay inabisuhan ni Senator Risa Hontiveros ang publiko tungkol sa ‘overpriced’ PPEs.
‘Alegasyon ni Hontiveros kaugnay sa ‘overpriced’ PPEs’
“You want evidence? Here are 11 pieces. The Department of Budget and Management (DBM) should plainly explain these contracts. They should not fool the people using false information. What we need is clarity,” saad ni Hontiveros.
Sa kabilang dako, kasalungat sa sinabi ni Hontiveros ang pahayag ng head of the Procurement Service of the DBM (PS-DBM) na si Budget Undersecretary Lloyd Christopher Lao, sinabi kasi ni Lao na hindi ‘overpriced’ ang PPEs at sa katunayan nga ay nakapagtipid pa ang gobyerno ng 800 million pesos.
Mga sanggunian: Philippine Daily Inquirer, Inquirer News