Ni Kaela Patricia Gabriel

PHOTO: Rappler

“Hindi ko po alam kung saang planeta nakatira ‘yang mga health workers na ayaw kay Presidente kasi buong daigdig po ang sinasalanta ng ganitong problema.”

Iyan ang litanya ni Presidential Spokesperson Harry Roque nitong Martes sa mga kritiko ni Pangulong Rodrigo Duterte na healthcare workers matapos umalma ng Medical Action Group (MAG) sa pagtakbo nito bilang bise presidente dahil sa ‘palpak’ na COVID-19 response nito.

Sa isang press briefing, iginiit ni Roque na ang pananaw ng MAG tungkol sa tugon ng administrasyong Duterte sa COVID-19 ay hindi sentimyento ng lahat ng healthcare workers sapagkat mayroong mga medical frontliners na nagpapasalamat sa pagkilala ng pamahalaan sa kanilang kabayanihan.

“Mahirap po talaga ang buhay ng medical frontliners ngayon, dahil hindi pa ho humuhupa ang pandemya at nagpapakita naman po tayo ng pasasalamat at utang na loob sa kanila… Pero nirerespeto rin po namin na mayroong kakaunting talagang wala pong mabuting masabi tungkol po sa ating presidente,” ani Roque.

Pangangatuwiran pa ni Roque, halos lahat naman umano ng mga bansa sa kasalukuyan ay nasa third wave na ng pandemya.



“They’re entitled to their opinyon, obviously iba ang presidente nila,” sambit ni Roque at kalauna’y sinabing hayaan ang mga frontliners na ito na pumili at bumoto ng kanilang pangulo sa susunod na halalan.

Matatandaan nitong nakaraan na kinuwestiyon ni MAG Chairperson Dr. Nemuel Fajutagana ang election bid ni Duterte at ang planong pagtakbo ng anak nitong si Davao City Mayor Sara Duterte bilang pangulo sa kabila ng mga anomalya sa COVID-19 response ng kasalukuyang administrasyon.

Sa kabilang dako, nanawagan naman si Duterte sa mga medical frontliners na bigyan pa ang gobyerno ng oras upang maka-adjust sa pinansyal na estado ng bansa at sinabing ‘kung may pera lamang’ ay ibibigay nito lahat ng benepisyo sa health workers.

“The problem is there are other expenses of the government other than the health concerns so sana ho maintindihan ninyo kami,” ani Duterte.


Sanggunian ng ulat: ABS-CBN News