Ni Xhiela Mie Cruz

PHOTO: YouTube

Binulabog ng rumaragasang tubig na may kasamang putik ang masaya na sanang piknik at paliligo sa Tinubdan Falls sa Catmon, Cebu ng isang grupo na naging sanhi ng pagkamatay ng isa sa mga kasamahan ng mga ito at pagkawala rin ng mag-ina.

Ayon sa bidyo na kinuhanan ni Carlos Dolendo, nagtangka pang iligtas ng isa sa mga kasamahan nila ang menor de edad na si Kent Jude Monterola, 17-anyos, subalit nabigo rin ang mga ito dahil hindi na nakayanan ng binata ang lakas ng agos ng tubig.

Nakita ang labi ni Monterola ilang oras lamang ang nakalipas matapos mangyari ang trahedya habang patuloy namang pinaghahanap ng pulisya ang mag-inang nawawala pa rin sa kasalukuyan.

Kinilala namang sina Jacel Alastra, 32, at anak niyang si Princess, 7, ang dalawang kasama ng grupo na tinangay rin ng rumaragasang tubig.

Base pa sa ulat ng GMA News, sa Barangay Tabili, Catmon nangyari ang kakila-kilabot na trahedyang ikinasawi ng nasabing mga biktima.

Dagdag pa rito, marahil dahil umano sa malakas na pag-ulan sa ibabaw ng bundok ang naging sanhi ng pagragasa ng tubig na may putik na dumagok sa grupo.


Sanggunian ng ulat: GMA News