SABLAY NA ENTRADA: Animam less- Gilas, lumuhod sa China sa opener
Ni Christian Vidad
PHOTO: FIBA |
Nagmistulang bangungot ang pasimulang biyahe ng Gilas Pilipinas team sa FIBA Women’s Asia Cup makaraang lumasap ng 52-143 kabiguan kontra China ng Group B sa Prince Hamza Hall, Amman, Jordan, kagabi.
Inabuso ng 6’1 average height na mga Chinese ang maliliit na Filipina kasabay ng kawalan ng center star na Jack Animam, matapos humakot ng 68 points sa loob ng paint, sapat upang buksan ng matikas ang kampanyang maihiganti ang last edition runner up finish.
Bumida sa world no. 7 na China ang bench player na si Liwei Yang nang rumatsada ng 21-markers katuwang ang pinagsamang puwersa nina Li Yueru at WNBA player na Han Xu para sa kabuuang 35.
Pinatunayan din ng Olympian team na China na hindi lang sila dominante sa ilalim matapos pumakyaw ng 12 out of 22 three points shot na sinundan pa ng solidong depensa bitbit ang 55 rebounds at 17 steals.
Sa kabilang banda, inangkluhan naman ni Afril Bernardino ang opensiba ng bansa nang tumikada ng 17 points kasama ang 7 rebounds, 2 steals, and 2 blocks.
Bagama’t naman naging malamya ang ipinamalas na performance sa debut, positibo pa rin si Ella Fajardo na may mas ibubuga ang kaniyang grupo.
"Coach said that we played our hardest, but I know for a fact and I can speak on behalf of the team that we have more to bring,"pahayag ng 18-taon na Fajardo na tinapos ang bakbakan tangan ang anim na puntos.
Nakasabay sa tempo ang Pilipinas sa pasimula ng bakbakan nang tapyasan sa limang puntos ang deficit ang hawak ng kabilang koponan sa midway ng 1st quarter,10-15, sa bisa nang ibinuslong tres ni Khate Castillo.
Subalit kaagad pa ring inagaw ng China ang momentum nang sulitin ang nairehistrong siyam na turnover ng Pilipinas, sanhi para iparada ang 20-7 run sa unang yugto, 35-17, at palobohin ang bentahe sa 40-puntos sa pagtatapos ng 1st half,69-29.
Simula dito, hindi na lumingon sa likod ang 11-time Asia cup champion na China nang rumagasa ng 39-9 spurt sa ikatlong frame,108-39, salamat sa mga jump shot ni Yueru at Xu, lamang na binitbit nila hanggang huling salvo.
Ito ang ikatlong sunud-sunod na panalo ng China laban sa pambato sa regional tournament nang una nang sinibak ng powerhouse team ang Gilas noong 2017, 117-43, at 2019, 104-57.
Samantala, sumosyo ang Australia sa top spot ng Bracket B nang gibain ang Chinese Taipei,76-65, sa pangunguna ng ibinuweltang double-double figures ni Samantha Whitcomb (13 pts at 11 assists).
Magkrukrus ang landas ng Gilas at Tokyo Olympics bronze medalist na Australia bukas, Setyembre 29.
Sanggunian ng ulat: SPIN PH