Sara Duterte, Tito Sotto pinaka-'bet' ng madla bilang Pangulo, VP sa Halalan 2022 — Pulse Asia
Ni Roland Andam Jr.
PHOTO: Business Mirror |
Umarangkada sa pinakahuling pampanguluhang sarbey si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio habang naungusan naman sa pagka-bise presidente ang kanyang amang si Pangulong Rodrigo Duterte ni Senate President Vicente "Tito" Sotto III para sa 2022 eleksiyon.
Bagamat una na ring sinabi ni Duterte-Carpio na hindi siya tatakbo sa pagka-presidente makaraang tanggapin ng kanyang ama ang nominasyon ng Cusi-led faction ng Partido Demokratiko Pilipino–Lakas ng Bayan (PDP-Laban), ang alkalde pa rin ang nanguna sa pag-aaral ng Pulse Asia na inilabas nitong Miyerkoles, Setyembre 29.
Narito ang pagkakasunod-sunod ng presidentiables kaakibat ang karampatang porsyento na kanilang nakuha mula sa sarbey:
• Duterte, Sara "Inday" - 20%
• Marcos, Ferdinand "Bongbong - 15%
• Domagoso, Francisco "Isko Moreno" - 13%
• Pacquiao, Emmanuel "Manny" - 12%
• Poe, Grace - 9%
• Robredo Maria Leonor "Leni" - 8%
• Lacson, Panfilo "Ping" - 6%
• Cayetano, Alan Peter - 4%
• Go, Christopher "Bong Go" - 3%
• Trillanes, Antonio "Sonny" - 1%
• Bello, Walden - 0.1%
• Teodoro, Gilbert "Gibo" - 0.1%
Hindi ito ang unang pagkakataon na nanguna sa presidential survey si Duterte-Carpio gayong siya rin ang pinakapinaboran ng madla sa kaparehong mga pag-aaral noong Hulyo, Abril, at Disyembre 2020.
Kasunod nito, nagpaabot naman ng pasasalamat sa mga sumusuporta kay Sara ang kanyang tagapagsalita at sinabing repleksiyon daw ang resulta ng sarbey ng hangarin ng mga mamamayang magtamo ng matatag na pamumuno sa gitna ng mapanubok na panahong tulad ng nararanasan ngayon.
"Patuloy din niyang pinakikinggan ang pulso ng mamamayang Pilipino. Nakikiisa siya sa hangarin ng ating mga kababayan na makabangon sa paghihirap patungo sa pag-unlad ng ating bayan,” ayon pa kay Liloan, Cebu Mayor Christina Garcia Frasco.
Samantala, namayagpag naman sina dating senador at anak ni diktador Ferdinand Marcos, Bongbong Marcos at Sen. Grace Poe bilang second choice ng mga kalahok kung sakali mang hindi tumakbo sa Halalan 2022 ang first choice ng mga ito:
• Poe, Grace- 14%
• Marcos, Ferdinand "Bongbong" - 14%
• Domagoso, Francisco "Isko Moreno" - 13
• Duterte, Sara "Inday" - 11%
• Go, Christopher "Bong Go" - 9%
• Pacquiao, Emmanuel "Manny" - 9%
• Robredo, Maria Leonor "Leni" - 8%
• Lacson, Panfilo "Ping" - 8%
• Cayetano, Alan Peter - 5%
• Trillanes, Antonio "Sonny" - 2%
• Teodoro, Gilbert "Gibo" - 1%
• Bello, Walden - 0.01%
Sotto, top 1 sa VP poll
Sa hindi inaasahang pagkakataon, si Tito Sotto naman ang itinanghal na top vice presidential bet ng mga kalahok na sinundan ni Pangulong Duterte na siyang dating nangunguna sa kaparehong sarbey:
• Sotto, Vicente "Tito" - 25%
• Duterte, Rodrigo "Digong" - 14%
• Domagoso, Francisco "Isko Moreno" - 12%
• Marcos, Ferdinand "Bongbong" -12%
• Pacquiao, Emmanuel "Manny" - 7%
• Go, Christopher "Bong Go" - 7%
• Cayetano, Alan Peter - 6%
• Revillame, Willie "Kuya Wil" - 4%
• Trillanes, Antonio "Sonny" - 2%
• Angara, Juan Edgardo "Sonny" - 2%
• Villar, Mark - 2%
• Diokno, Jose Manuel "Chel" - 1%
• Teodoro, Gilbert "Gibo" - 0.05%
Kung dadako sa second choice ng mga sumali sa sarbey, nangunguna pa rin si Sotto na nakakuha ng 15% na sinundan nina Marcos sa 12%, Isko Moreno at Sen. Christopher "Bong Go" Go–na sinasabing magiging running-mate ni Duterte– na kapwa nakapagtala ng 11%.
Ikinagalak naman ni Sotto ang naging resulta ng pag-aaral kaya't nagpasalamat din ito sa kanyang mga taga suporta para sa kanilang pagtitiwala.
“With utmost humility, I thank God and our kababayans (countrymen) for the trust and confidence that many are placing on me and my dream of further serving the Filipino Family beyond the halls of the Senate,” pahayag niya.
“I will use this confidence booster to work harder as the top official of the Senate, as I present myself to our people as a worthy and reliable candidate for VP!” dagdag pa niya.
Sa kabilang banda, naniniwala ang Malacañang na si Pangulong Duterte pa rin daw ang "candidate to beat" para sa eleksyon sa susunod na taon.
“Surveys, we have to underscore, are snapshots of public opinion at a particular point in time,” saad ni presidential spokesperson Harry Roque.
Dagdag pa niya, hindi pa raw kasi sigurado ang Presidente ukol sa kanyang kandidatura para sa pagka-bise nang gawin ang pag-aaral.
Gayunpaman, kampante pa rin siyang si Duterte pa rin aniya ang dapat pakatutukan ng kanyang mga makakalaban para sa ikalawang pinakamataas na posisyon sa bansa.
“The latest Pulse Asia survey was done when aspirants have yet to file their Certificates of Candidacy (COCs), and there are uncertainties on [President Duterte’s] electoral bid.” giit ni Roque.
“Be that as it may, the President remains the candidate to beat in the 2022 elections,” diin pa niya.
Isinagawa ang naturang Pulse Asia survey mula Setyembre 6-11 na nilahukan ng nasa 2,400 katao.
Mga sanggunian: ABS-CBN News, MB News, Manila Bulletin