Ni Roland Andam Jr.

PHOTO: PCOO

Walang naganap na pag-uusap sa pagitan nina Mayor Sara Duterte-Carpio at Sen. Imee Marcos ukol sa planong pagtakbo sa pagka-bise presidente ng huli sa Halalan 2022.

"Talks or meetings with Sen Imee for VP never happened," paglilinaw ni Sara.

Ginawa ng Alkalde ang pahayag kasunod ng pagsisiwalat ng kanyang amang si Pangulong Rodrigo Duterte sa umano'y pakikipag tagpo ni Sen. Imee kay Duterte-Carpio sa Davao City, sa pag-asang ikonsidera siya nito bilang running mate kung sakali mang tumakbo itong presidente.

"Si Imee ganito ang laro niyan eh. Pinuntahan niya si Mayor Duterte sa Davao hoping na magtakbo yun, siya ang maging bise," pahayag ng Pangulo sa kanyang public address na ini-ere nitong Martes, Agosto 31.

Ngunit, ayon pa rin kay Duterte, sa palagay niya'y hindi tatakbo sa pagka-presidente ang kanyang anak – bagay na nagtulak daw sa kanyang tanggapin ang alok na tumakbo siya para sa ikalawang pinakamataas na posisyon sa bansa.

“Hindi naman tatakbo, sabi niya. Sabi ni Mayor Sara Duterte, hindi siya magtakbo, kaya sabi ko magtakbo ako ng vice presidente," saad niya.



Kaugnay sa plano ni Duterte-Carpio para sa Eleksyon 2022, nauna na rin niyang ipinaalam sa publiko na kailangan nilang maghintay hanggang sa susunod na buwan (Oktubre) upang malaman kung tatakbo ba siya o hindi sa pagka-pangulo.

Samantala, salungat naman sa ibinunyag ng Presidente ang naging pagpapahayag ni Sen. Imee ng posibilidad para sa tambalang Sara-BBM nitong Agosto 26 sa isang panayam.

Sabi pa ng Senadora, isang karangalan aniya para sa kanyang kapatid na si dating Sen. Ferdinand "BongBong" Marcos na maging katambal ni Duterte-Carpio, at inilarawan pa ito bilang "marriage made in heaven."

"Everything's possible, but I supposed the most obvious thing is if the Dutertes have the solid south, we’re assumed to have the solid north. Parang marriage made in heaven 'yan," wika niya.

Kamakailan, maaalalang kapwa nagtungo ang magkapatid na Marcos sa Davao City para bisitahin ang presidential daughter.