Ni John Emmanuell Ramirez

PHOTO: SENATE PRIB

Datapuwat binagyo ng kritisismo mula sa Pangulo, nanindigan ang Senate Blue Ribbon Committee na pananagutin nila ang administrasyon sa puntong makahanap sila sa pinaka-koneksyon ng gabinete sa anomalya sa 8.7 bilyong pisong halagang kontrata ng mga “overpriced” na kagamitang pandemya.

“Ano ba talaga ang tinatago niyo,” bato ni Blue Ribbon Chairman Sen. Richard Gordon kay Pangulong Rodrigo Duterte nang kaniyang depensahan ang kanilang mga hearing laban sa Pharmally Pharmaceutical Corp. na kinontrata ng gobyerno sa pagbili ng personal protective equipment (PPE).

“And the more we will investigate because we will look for who really was the connection of these people. A P625,000 corporation can’t do such a big deal and get [nearly] P8.7 billion. It’s really puzzling as it has no track record,” saad ni Gordon.

Ang Pharmally ang naging sentro ng imbestigasyon ng Senado patungkol sa irregularidad sa procurement audit ng mga suplay, nang malaman nilang nakakontrata sa kompanya ang 8.7 bilyong pisong ginamit sa pagbili ng Procurement Service of the Department of Budget and Management (PS-DBM) ng mga “overpriced” na PPE.

Bitaw naman ni Gordon bilang paninindigan sa pagpapatuloy ng imbestigasyon, “makinig kayo sa Friday, ilalabas ko lahat ng record ng Pharmally na 'yan... At hindi fake news, totoo po 'yan,”

Matatandaang bumuhos ang mga kritisismo ni Duterte kontra sa mga imbestigasyon ng Senado sa kanyang gabinete, kung saan pinag-utos niyang humingi muna sila ng permiso sa kanya bago dumalo sa mga imbestigasyon ng Senado ukol sa anomalya sa mga “overpriced” na kagamitang pandemya. 

Sa isang pre-recorded address noong Martes, nilinaw ni Duterte na hindi niya kinukuwestiyon ang lehislatibong awtoridad ng Senado, bagkus hindi na kailanman niya hahayaang humarap ang gabinete sa kanila kung “ihaharass” lamang sila sa publiko.

"I think I can do it as president if there is an abuse of authority there. I will limit you to what you can do with the executive department," linaw ng Presidente.

Nakasasayang din daw sa oras ng mga opisyal niya sa gabinete ang mga hearing na dinadaluhan nila, partikular na si Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III, lalo na’t kung hindi raw naman talaga nagagamit ang kanilang mga testimonya.

“Are you crazy? Bakit gano’n, can you not approximate the time that you take to make these persons testify, question and answer, lalo na ikaw Gordon, abugado ka. Ano bang kakalkalin mo? Nandyan na ‘yong medisina, ginagamit na namin,” depensa ni Duterte.

Banat naman ni Sen. Gordon, ito ay pang-aabuso sa awtoridad ng gobyerno at pagtratraydor sa tiwala ng publiko; "Mahaba yung trail eh, na pinipigil mo yung COA, pinipigil mo yung Senado. Ngayon, ayaw mo na papuntahin yung mga tao mo,"

Sa kabilang banda, idiniin ng Pangulo na wala siyang pakialam sa kahihinatnan ng imbestigasyon ng Senado laban sa Pharmally Pharmaceutical Corp., dahil ang mahalaga raw ay nakuha nila ang kailangan nila mula sa kompanya.

Matatandaang umabot sa 47.7 bilyong piso ang ipinaubayang pondo ng DOH sa PS-DBM para sa pagbili ng mga kagamitang pandemya, at ang Pharmally mismo, na may tanging kapital na 625 libong piso, ang nakapalumbit ng mahigit-kumulang na 11.49 bilyong pisong halaga ng kontrata noong 2020-2021.

“We did not shell out anything before delivery.  Para sa akin, tapos na kami.  ‘Yong Pharmally na ‘yan pati droga, bahala na kayo.  Wala akong paki-alam dyan sa Pharmally, gusto niyo — you can crumple Pharmally, wala kaming paki-alam dyan,” sambit ni Duterte.

Aniya, “basta ‘yong paki-alam namin, nag-order kami, dumating, tama ‘yong nag-order, tapos ang presyo it was negotiated.”

Dagdag pa niya, pinapatagal lamang nila ang imbestigasyon upang makaabante sa Eleksyon 2022, at idiniing mangangampanya pa siya laban kay Gordon, na aniya’y hindi pwedeng maging senador.