Bato kumontra sa Nobel Peace Prize award ni Ressa
Ni Kaela Patricia Gabriel
PHOTO: Sagisag |
Iginiit ng presidential aspirant at senador na si Ronald “Bato” dela Rosa nitong Lunes na mayroong press freedom sa bansa kung kaya’t hindi tamang ginawaran ng prestihiyosong award na Nobel Peace Prize ang journalist na si Maria Ressa.
Sa isang panayam, nanindigan si Dela Rosa na mali ang awarding body ng Nobel Peace Prize sa paghirang sa Rappler CEO na si Ressa bilang awardee nito kung ang basehan ay ang paglaban ng naturang mamamahayag para sa press freedom.
“I don’t know about the motivation sa pagbigay nila ng award kay Maria Ressa, I really don’t know but for me personally na ako’y tinatanong niyo, mali yung binigay na award,” ani Bato.
Sabi pa ni Bato, hindi gobyerno ang nagpatong ng kasong cyberlibel kay Ressa kundi ang pribadong indibidwal na si Wilfredo Keng kung saan nahatulang guilty noong 2020 ang Nobel Peace Prize awardee at ang dating researcher-writer na si Reynaldo Santos Jr.
“Hindi ako agree dahil meron naman tayong press freedom. Mayroong press freedom dito sa atin. Mayroon bang taga-media na kinulong dahil sa kanyang pagbabalita? Wala naman,” saad ni Bato.
Ayon naman sa ulat ng 2021 World Press Freedom Index, lumagapak sa ika-138 na puwesto ang Pilipinas sa 180 bansa sa buong mundo pagdating sa estado ng pahayagan kung saan napuna rin ang mga tirada ni Pangulong Rodrigo Duterte laban sa Inquirer, ABS-CBN, at Rappler.
Nang matanong din kung karapat-dapat ba si Ressa para sa Senate medal of excellence, isang pagkakilala ng upper chamber sa mga awardees ng Nobel Prize, Pulitzer Prize, A.M Turing Award, Ramon Magsaysay Award, at Olympic medal, tumugon si Bato at sinabing “I don’t believe”.
Samantala, binati naman ng ilang opisyales tulad nina Sen. Richard Gordon, Sen. Grace Poe, Sen. Risa Hontiveros, at Presidential Spokesperson Harry Roque si Ressa para sa naturang award.
“Binabati natin si Maria Ressa bilang kauna-unahang Pilipino na nagwagi sa Nobel Peace Prize. Well, it’s a victory for a Filipina and we are very happy for that kasi wala namang utak talangka dito sa Malacañang,” pahayag ni Roque sa isang press briefing.
Mga sanggunian: Inquirer News, GMA News, RSF