DOH, tututukan ang Pharmally scam; Faceshield tigil transaksiyon na
Ni John Emmanuell Ramirez
PHOTO: PH Lifestyle |
Sinuspende na ng Department of Health (DOH) ang pag-angkat ng mga faceshield mula sa kontrobersiyal na Pharmally Pharmaceutical Corporation, upang mapaigting ang imbestigasyon sa kanilang mga produktong hindi kalidad at may mga pekeng production date.
“Out of prudence and caution, the DOH has decided to suspend the succeeding deliveries to protect the interest and safety of our healthcare workers,” wika ni Health Undersecretary Charade Mercado-Grande sa isang pahayag.
Nilinaw ni Grande na sila ay may kamalayan ukol sa mga rebelasyong binitawan ng mga manggagawa ng Pharmally, partikular na ang pag-amin ng isang company executive sa pagta-tamper nito ng production date sa mga sertipika noong isang linggo, kung kaya’t pinutol muna nila ang mga transaksyong konektado sa nasabing kumpanya.
Tinatayang umabot sa 500,000 piraso ng face shield ang dinala ng Pharmally sa DOH, ngunit hindi pa ito nababayaran ng kagawaran dahil hindi pa kumpleto ang mga delivery.
"We are fast-tracking our investigation on the face shields delivered to the DOH and if those are the ones being referred to in the Senate hearing. If the face shields are proven to be tampered with, we would definitely take necessary legal remedies," saad pa ni Grande.
Pasiguro naman ni DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire noong Setyembre 25 na nasa “magandang kondisyon” ang mga face shield na ipinamahagi nila para sa mga healthcare workers.
Walang Itotolerang Tampering
Sa kabila ng kontrobersyal na usapin ukol dito, ipinangako ng DOH na mag-iimplementa na sila ng mas striktong inspeksyon ng mga prinocure na suplay habang nasa delivery process upang mas masigurong walang sira ang mga produkto at hindi ito lumalampas sa kanilang mga shelf life o durasyon kung hanggang kailan ito maaaring gamitin.
“The DOH assures that prior to sending out any procured items for use by our healthcare workers, these are duly inspected. Likewise, health facilities have to inspect, count, and verify the items they received from the DOH,” paglilinaw ni Usec. Grande.
"The Department also underscored that it does not tolerate practices of tampering with any procured supplies," dagdag pa niya.
Sa ilalim ng direktiba ni Secretary Francisco Duque III, naglalatag na ang DOH ng isang komprehensibong rebyu hinggil sa kanilang mga procurement transactions.
Kabilang dito ang inspeksyon ng mga paparating at mga kasalukuyang nakatagong stock ng personal protective equipment (PPE) na kinontrata mula sa Pharmally sa parehong direkta at indirektang pamamaraan ng Procurement Service of the Department of Budget and Management (PS-DBM).
Ayon sa DOH, nagwagi ang Pharmally sa ginawang bidding para sa kontrata ng mga faceshield, kung saan hiwalay na procurement ito mula sa PS-DBM.
Paglilinaw nila, naging kumpetitibo ang nagdaang bidding process para sa walong mga prospektibong bidder na nagsumite ng kanilang presyo noong Marso.
Pag-amin ng Taga-Pharmally
Matatandaang umamin ang isang company executive ng Pharmally noong isang linggo, hinggil sa pangangamkam ng kanilang kompanya sa pondong binigay ng gobyerno, sa pamamaraang pagbebenta ng mga hindi kalidad na medical-grade face shield at pagtatamper sa mga production date nito.
Ang kompanya ang itinuturing na sentro ng imbestigasyon ng Senado sa mga iregularidad sa procurement ng mga pangpandemyang suplay at kontrata ng PS-DBM na pinaubayaan ng pondong tinatayang umabot sa 42 bilyong pisong mula sa DOH.
Sa mga naturang hearing, ipinaliwanag ni Krizle Grace Mago, isang incorporator ng kompanya bilang regulatory affairs head nito, na siya ang nag-utos sa kanilang mga warehouse worker na palitan ang mga manufacturing date sa mga dokumentong sertipikasyon na ‘2020’ at gawing ‘2021.’
Ang mga naturang dokumento ay espisipikong nakapangalan sa gobyerno, na di umano’y inorder ng DOH para gamitin ng mga doktor at nars sa kasagsagan pandemya.
“That is something I cannot deny,” pag-amin ni Mago habang kinukumpirma ang video testimony ng isang whistle-blower na warehouse worker, na iniharap ni Sen. Risa Hontiveros sa Senate Blue Panel.
Matapos namang tanungin ni Sen. Panfilo Lacson kung sino ang nag-utos sa kaniya, sinabi niyang nakakuha lang siya ng instruksyon mula sa management, partikular na kay Mohit Dargani; tinanggi naman ito ni Dargani sa isang video call mula sa Estados Unidos, at nagsabing baka mali lang ang pagkakatanda ng testigo.
Bagamat pinabulaanan ni Dargani, nanatiling matatag pa rin si Mago sa kaniyang testimonya at hindi pa rin niya ito binawi, kung kaya’t nangako siyang patuloy siyang makikiisa sa imbestigasyon, kasunod ang proposisyong protective custody ng Senado.
Pagkamangmang ng Pangulo
Nanatili namang mangmang si Pangulong Rodrigo Duterte sa alegasyong may ekspirasyon ang mga face shield, kahit na paulit-ulit nang ipinaliwanag ng DOH na may specific shelf-life ang mga ito.
Sa kaniyang pagresponde sa nagdaang hearing ng Senado, nagtaka si Duterte kung sa papaanong paraan na-eexpire ang mga face shields, kung gawa lang naman sa mga plastic ang mga ito.
"Expiration? Mahirapan akong mag-ano ng expiry. Medisina siguro. Pero itong, makihiram lang ho ng plastik," patutsaba ni Duterte habang hawak ang isang face shield sa isang recorded briefing.
Dagdag pa niya, "Paano ito mag-expire? Unless abusuhin mo, itapon tapon mo, pero kung isuot mo lang, magandang pagkalagay, ganoon, paanong mag-expire 'yan? Mag-expire, but maybe in about, it will take you about 10, 15 years. Ayan mag-expire 'yan dahil sa scratches.”
Hindi pa rin tinantanan ng pangulo si Sen. Richard Gordon sa kanyang akusasyon na gagawa at magsasabi ang senador ng kung ano-ano para lang dumihan ang kanyang administrasyon.
"Itong sina Gordon, obvious na wala nang ibang mahanap na pupuwedeng ibato na issue against officials of the executive. Eh ako I am not bothered at all," pasaring pa ng pangulo.
Ngunit kung tutuusin, ayon sa DOH, mayroon talagang espesipikong shelf life ang isang medical-grade face shield, dahil bumababa ang kalidad ng mga foam na nakakabit sa face shield sa pagdaan ng oras.
Ito rin ay dahil hindi puwedeng ipagkumpara ang mga komersiyal na face shield na binebenta sa publiko, sa mga suplay na ginagamit ng mga medical frontliner, dahil magkaiba sila, ayon kay Usec. Vergeire.
Mga sanggunian: Rappler, CNN Philippines, Philippine Daily Inquirer, Inquirer News, ABS-CBN News