Ni Cherry Babia

PHOTO: NTF Against COVID-19

Nasa kabuuang 12,686 na bakuna ang nabasura ng bansa simula noong Marso, pangunahing dahilan ay ang "temperature excursions" at problema sa transportasyon, ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire.

"Most of the reasons would be temperature excursions. Nagkaroon ng sunog sa Cotabato at saka sa Ilocos Norte kung saan ang ating mga bakuna ay nadamay sa pagkasunog," saad ni Vergeire.

Sinabi rin ng Health Undersecretary na ilan sa mga naaksayang mga bakuna ay dahil sa pagkabasa o paglubog umano ng mga "vaccines transport boxes" habang nilalarga sa bangka.

"Nagkaroon ng ano sa bangka na sinasakyan nila, may issue tayo doon na nalubog ang mga vaccines transport boxes natin doon," aniya.

Dagdag din niya na ang hindi pagkakaroon ng tatak at ang pagkakaroon ng mga maliliit na bagay na nakikita sa ilan sa mga bakuna ay ilan din umanong dahilan ng pagkaaksaya ng mga bakuna.

"Doon sa ilalim ng bakuna may nagse-settle na particulate matters. Kapag ka ganoon ang hitsura ng bakuna hindi na natin ginagamit 'yan," saan niya.

Samantala, ayon sa Nikkei Asia report na nailabas nitong unang bahagi ng Oktubre, sinasabing ang Pilipinas ay isa pa rin sa mga bansang may pinakamababang vaccination rates sa buong mundo.

Tinatayang 30% lamang ng populasyon mula sa 110 milyon katao ang ganap na nabakunahan na simula noong Setyembre 30. 

Gayunpaman, sinimulan na ng bansa ang pagbabakuna sa pangkalahatang populasyon na may sapat na gulang na o general adult noong Oktubre 7.


Sanggunian ng ulat: Rappler