IATF sa mungkahing abolishment: We’re imperfect but give due recognition
Ni Patricia Nicole Culob
PHOTO: PCOO |
Kasunod ng panawagang buwagin ang Inter-agency Task Force (IATF) on COVID-19, dumepensa si Presidential Spokesperson Harry Roque at sinabing hindi man sila perpekto, “give recognition where it’s due” sapagkat naiwasan umano ang mas mataas na mortality rate dahil sa ahensya.
Sa isang press briefing, sinagot ni Roque ang mungkahi ni Senator Joel Villanueva na ibigay ang kapangyarihan sa LGUs (Local Government Unit) imbes na sa IATF dahil mas alam umano nila kung paano pamahalaanan ang kanilang nasasakupan.
"Kung titingnan ang ranking ng Pilipinas sa buong mundo ay hindi nagpapakita na tayo po’y nangunguna sa lala ng COVID… 1.5 percent ang case fatality rate so sa tingin ko po, tama po na nagkaroon tayo ng IATF,” hayag nito.
Dagdag pa niya, ang nasabing taskforce ang responsable sa likod ng mga quarantine levels, alert levels, at COVID-19 vaccine supply sa bansa.
“Kung walang IATF wala tayong naging desisyon sa bakuna ng buong bayan… ng mga alert level system, quarantine classification, at napakahirap po kasi n’yan kung walang kumukumpas,” saad ng presidential spokesperson.
Pagpapatuloy ni Roque, IATF ang tagakumpas at mga lokal na pamahalaan ang nagpapatupad nito sa kani-kanilang nasasakupan.
Sanggunian ng ulat: ABS-CBN News