Isko Moreno kay VP Robredo: Fake leader with fake color, character
Ni Patricia Nicole Culob
PHOTO: VP Leni Robredo |
Pinasaringan ni Manila Mayor at Aksyon Demokratiko presidential candidate Francisco “Isko Moreno” Domagoso na “fake leader with a fake color” si Vice President Leni Robredo matapos nitong mag-file ng Certificate of Candidacy (COC) bilang independent candidate sa pagka-presidente.
Sa isang press conference, nagpatutsada si Domagoso na huwag umanong magpalinlang sa mga nagpapalit ng kulay, pahayag na tinutukoy ang pagbabago ng campaign colors ni Robredo na dating dilaw dahil sa Liberal Party.
“Huwag kayong malilinlang sa pagpapalitan ng kulay.... Ang tanso, tubugin man ng ginto ay tanso pa rin.... Fake leader with fake color is a fake character,” saad nito.
Dagdag pa ng alkalde, ito raw ang paalala niya sa kanila, na huwag maging mapagkunwari at huwag magkunwaring may nahanap na silang dahilan.
Nagsimula itong magpasaring dahil sa pahayag ni Robredo ukol sa pananaw ni Moreno sa rehimen ng diktador na si Ferdinand Marcos.
“‘Yon lang ba ang dahilan kung bakit siya tatakbo? Dahil sa mga Marcos na naman? Paano naman kaming mga Pilipino?” giit nito.
Tanong pa ni Domagoso, bakit umano kailangang uminog ang mundo sa away ng mga Marcos at Aquino.
Matatandaang nagpahayag ng paniniwala si Aksyon Demokratiko presidential bet na dapat umanong mabigyan ng pagkakataon ang mga Marcos na patunayang hindi sila katulad ng kanilang ama na puno ng kurapsyon at pang-aabuso sa karapatang pantao ang naging pamumuno.
Mga sanggunian: Rappler, ABS-CBN News