Ni Axell Swen Lumiguen

Finals-bound na ang Magnolia Pambansang Manok matapos pundihin ang Meralco Bolts sa bisa ng 93-85 Game 6 win sa semis ng PBA Philippine Cup, DHVSU Gym, Bacolor, Pampanga, kanina. 

Sumandal ang Mags sa all-around performance ni Ian Sangalang na tumapos ng 19 points, 14 rebounds at 6 assists, sapat para tanghaling best player ng laro. 

PHOTO: PBA

Sa kabila ng poor shooting ni Paul Lee na naglista lamang ng apat na puntos, lahat mula sa charities, nagsilbing "magic bunot" ng Magnolia sa opensa ang defensive wing na si Rome dela Rosa na naglatag ng 16 puntos tampok ang tatlong three-point shots. 

May 16 marka rin si Mark Barroca, kalakip ang clutch baskets nito sa huling period, habang may tig-11 puntos sina Jio Jalalon at Calvin Abueva. 

Sa panig ng Bolts, nagsampa ng 16 points at 12 rebounds si Raymond Almazan habang may 14 at 13 puntos sina Chris Newsome at Allein Maliksi, ayon sa pagkakasunod-sunod. 

Bilang Philippine Cup Finalist noong 2019, maituturing na redemption season ito ng Mags mula sa maagang quarterfinal elimination nito noong 2020 PBA bubble sa Clark, Pampanga. 

Samantala, sa kabilang serye, napigilan naman ng San Miguel Beermen na humakbang patungong Finals ang Talk n' Text Tropang Giga matapos ang 103-90 Game 6 win nito para itulak ang semis sa sudden-death Game 7. 

PHOTO: PBA

Mula sa maalat na limang puntos noong Game 5, napiling best player of the game si Marcio Lassiter na bumuno ng 19 puntos tampok ang 5-of-8 shooting at clutch three nito sa endgame para tuluyang sukbitin ang panalo.

Tangan ng Beermen ang 86-62 advantage matapos ang tatlong quarters, ngunit unti-unting bumalik ang Tropang Giga hanggang sa maibaba nila sa sampu ang kalamangan ng SMB, 98-88, may 2:44 pa ang nalalabi. 

Dito na naibuslo ni Marcio Lassiter ang clutch three mula sa pasa ni Chris Ross para hatakin ang lamang sa 101-88, 2:09 na lang ang natitira. 

Nanguna sa scoring ng SMB si big man Moala Tautuaa na may 24 puntos, may 16 puntos at 6 assists si Terrence Romeo, habang may double-doubles sina frontcourt Arwind Santos (13 points, 10 rebounds) at June Mar Fajardo (11 points, 14 boards).

Sa panig ng TNT, tumapos ng tig-16 na marka si Jayson Castro at Ryan Reyes, may 11 si Poy Erram, habang nalimitahan sa anim na puntos si RR Pogoy. 

Magbabangga sa Game 7 ang dalawang koponan kung saan ang magwawagi ay makakaharap ang Magnolia sa best-of-7 serye ng Finals. 

Kung sakaling SMB ang lumusot kontra TNT sa Game 7, mauulit ang Philippine Cup Finals showdown ng Beermen at Magnolia na huling nagharap noong 2019.