Ni Xhiela Mie Cruz

PHOTO: PCOO

Binuweltahan ni Senador Richard Gordon sina Pangulong Rodrigo Duterte at Senador Christopher “Bong” Go nang mamataan ang mga ito sa isang enggrandeng mall sa Makati matapos pumirma ng certificate of candidacy (COC) sa Pasay kahit may pandemya.

Sa kamakailan lamang na pagpupulong ng mga ito sa Senado, pinuna ni Gordon ang dalawa dahil sa aksyong ginawa ng mga ito.

Bago pa ito, nauna nang iginiit ni Gordon ang pagkakaroon ng mamahaling sasakyan ng mga executives ng Pharmally Pharmaceutical Corporation sa kabila ng pademya.

"May mga kotse na sila (Pharmally officials). 'Di mo maikukubli ang gagaling ng kotse nila. Ang gaganda at mamahalin. Mayroon po tayong tinatawag sa Civil Code, conspicuous consumption in times of crisis," ani Gordon.

"May krisis po tayo, nakuha pa nilang bumili... Parang 'yung President at saka Senator Bong Go na matapos silang mag-file ng candidacy, hindi ko maintindihan bakit sila nagpunta sa isang gusali na nagtitinda ng mamahaling mga relo doon sa isang mamahalin na department store," dagdag pa niya.

"Kung wala tayong mga budhi, hindi ba natin nalalaman nahihirapan ang mga tao? Pupunta pa tayo doon sa lugar ng mararangya na ang nakakabili," pahayag ni Gordon.


Cookies ang dahilan

Sa kabilang banda, sinagot naman ni Go ang paratang sa kanila ni Gordon dahil ang presidente umano ang nag-aya sa kaniyang pumunta sa nasabing mall at maituturing na oras pa rin ito ng kaniyang trabaho.

Sabi pa ni Go, dumaan sila sa mall para bumili ng cookies, karapatan ito ng lahat ng tao at desisyon nila ang gawin ito.

"Kita naman kahit sa picture na nasa telepono pa rin ako at nagtatrabaho pa rin. May mga iilan ring lumapit para magpa-picture sa kanya at in-entertain rin naman niya," sagot ni Go.

"Mabilis lang kami doon at wala rin kaming binili bukod sa cookies dahil gusto lang talaga ni Pangulo na mag-ikot at maglakad-lakad. Ilang buwan na rin siyang hindi nakakalabas, nakakulong at puro trabaho," aniya.

"Pati ba naman ‘yung pagpunta niya ng mall, gagawan pa ng malisya. Karapatan naman ng sinuman iyon," giit pa ni Go.

Samantala, sinagot naman ni Presidential Spokesperson Harry Roque ang paratang sa pangulo dahil tinitingnan lamang umano nito ang kalagayan ng muling pagbubukas ng ilang mga establisyemento at bumili ng cookies.

"President Duterte went around personally checking how businesses are faring with the re-opening of industries and the economy. The President stayed for a few minutes and bought cookies – not a high-end watch, as one senator maliciously implied," buwelta ni Roque.

"The President has worked tirelessly during this pandemic and will spend the remaining days of his term guiding the country towards post-COVID-19 recovery." huling pahayag nito.

Dagdag pa rito, matatandaang matagal nang nagkakainitan at nagbabatuhan ng hindi magagandang pahayag sina Gordon at Duterte sa patuloy pa ring imbestigasyon ng mga kagamitang binili para sa pandemya na iginiit ng presidente na hindi siya korap.


Sanggunian ng ulat: GMA News