Ni Irene Mae Castillo

PHOTO: PCOO

Pinaghahandaan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagharap sa mga kasong isinasampa sa kaniya — kabilang ang imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC) — patungkol sa drug war killings, sa oras na bumaba siya sa pagkapresidente. 

Kaugnay nito, inanunsyo na ng pangulo ang pagreretiro sa politika, kung saan ay binawi na niya ang intensyon na tumakbo bilang bise-presidente, at sa halip ay ipinasa na lamang ang pwesto kay Senator Christopher "Bong" Go bilang kandidato ng PDP Laban.

Bagaman inamin na Duterte ang paghahanda ng depensa sa mga kasong inihain para sa kaniya, iginiit niyang hindi siya makikipagtulungan sa ICC dahil may sariling sistemang panghukuman ang Pilipinas.

"May sarili kaming judicial system dito. 'Wag kayong makialam. Saka sinabi ko, you never acquired jurisdiction over my person," aniya.

Bilang karagdagan, hiniling ng pangulo na huwag sanang mag-imbento ng mga ebidensya ang mga kumakalaban sa kaniya.

"'Yung ICC na 'yan. 'Wag lang kayong magsinungaling. Tutal may record naman. 'Wag lang kayong mag-imbento na 'yung namatay ng malaria diyan, icha-charge niyo sa akin. Kalokohan na 'yan,"

Hanggang ngayon, idinidiin pa rin ng kasalukuyang administrasyon na walang karapatan ang international na prosekusyon na imbestigahan ang pangulo dahil matagal nang kumalas ang bansa sa ICC.