Ni Monica Chloe Condrillon

PHOTO: SENATE PRIB

Patuloy ang alitan sa loob ng PDP-Laban matapos magdesisyon ang paksiyon ni Energy Secretary Alfonso Cusi na patalsikin si presidential candidate Manny Pacquiao sa partido nang maghain ito ng kandidatura sa ilalim ng partidong Probinsya Muna Development Initiative (PROMDI).

Ito ay ayon sa konstitusyon ng partido na gagawaran ng automatic expulsion ang sinomang tatakbo sa ilalim ng ibang partido.

Pahayag ni PDP-Laban Secretary General Melvin Matibag na ang ginawa ni Pacquiao at kaalyadong si Senador Koko Pimentel III ay ebidensya na hindi epektibo ang paksiyon ng dalawa.

Giniit naman ng PDP-Laban Pimentel wing na ‘in order’ sa kanilang konstitusyon ang naganap na paghain ng COC ni Pacquiao.

“Cusi and Matibag do not know the facts. There is a PDP LABAN, PROMDI, PCM ALLIANCE AGREEMENT called ‘MP3 Alliance’ where the alliance partners also proclaimed Sen. Manny Pacquiao as their presidential candidate,” saad ni party chairman, Pimentel.

Aniya na nakasaad sa Resolution No. 12 ng PDP-Laban National Executive Committee na pinapayagan si Pacquiao na gamitin ang PROMDI para ma-consolidate ang kaniyang support base at alliance partners dahil kilala na siya sa ilalim ng PDP-Laban.

Dagdag niya na normal lang ang lahat ng ito batay sa konstitusyon ng partido.

“The ‘issue’ being propagated by Cusi and Matibag is a figment of their imagination which they want to use for their own political propaganda,” katwiran ni Pimentel.

Pinuna rin niya na mas kuwestiyonable ang paghain ni Senador Christopher ‘Bong’ Go ng kandidatura bilang bise presidente na kamakailan lang ay ninomina bilang pangulo.

“They held a gathering in September where they publicly nominated Sen. Bong Go as their candidate for President and Pres. Rodrigo Duterte for Vice President. Bong Go publicly refused their nomination for president. Now, they have filed a COC with Sen. Bong Go for VP without any formal and public nomination from their group,” ani Pimentel.

Kasalukuyan pang walang salita ang Commission on Elections (Comelec) sa isyu sa gitna ng dalawang paksiyon ng PDP-Laban.


Sanggunian ng ulat: Philippine Daily Inquirer