Bato, iginiit na mayroong ‘high IQ’ si Pacquiao; Kayang patumbahin ang makakalaban sa debate
Ni Lynxter Gybriel Leaño
PHOTO: ABS-CBN News |
Kahit magkaribal para sa posisyong pagkapangulo ngayong darating na eleksyon, iginiit ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa na mayroon umanong mataas na IQ si Senador Manny Pacquiao, sapat upang patumbahin ang makakalaban nito sa darating na debate.
Isiniwalat ito ni Sen. Bato sa naging interbyu sa kanya ng CNN Philippines at idiniin ding kinokonsidera niya si Sen. Pacquiao bilang mabagsik pagdating sa politikal na debate.
“Napakagaling po nyan. Hindi po yan basta basta matatalo sa debate. Trust me, pag nandyan sa debate si Senator Pacquiao marami yang ilalampaso dyan. Mataas ang IQ nyan,” sabi pa ni Bato.
Taliwas naman ito sa mga nagsasabing hindi raw kakayanin ni Sen. Pacquiao ang talakan dahil daw sa mahinang abilidad nito sa lengguwaheng English.
“Siguro lang pagtatawanan natin minsan yung, pagtatawanan ng iba yung kanyang English pero English is just a language, hindi ‘yan measure ng katalinuhan ng tao. Ang katalinuhan ng tao name-measure sa IQ. And trust me, Sen. Pacquiao has a very high IQ,” giit ng senador para sa mga taong nangungutya sa pambansang kamao.
Ngunit, kahit pa na sinabi niyang magaling at preparado ang kanyang mga kalaban kabilang na si Pacquiao, binigyang-diin ni Bato na matatalo pa rin niya ang lahat ng kanyang kalaban sa oras na magdedebate sila.
Kaugnay nito, inanunsyo na ng Commission on Election (ComElec) ang pagsasagawa ng anim na debate – tatlo sa kakandidato ng pagkapangulo at tatlo rin sa mga gustong maging pangalawang pangulo ng Pilipinas.
Samantala, ayon sa inilabas na pansamantalang listahan ng mga tatakbong pangulo, 97 na mga pangalan ang makikita kabilang na sina Senador Panfilo Lacson, dating Senador Bongbong Marcos, alkalde ng Manila City na si Francisco “Isko Moreno” Domagoso, Vice President Leni Robredo at Labor leader Leody de Guzman.
Inaasahang bubusisihin pa ng ComElec ang bawat Certficate of Candidacy ng mga kakandidato sa mga posisyon at maglalabas ng pinal na listahan bago pa man matapos ang taong 2021.