‘BB-MPOSTOR..?’ Bongbong, inakusahang ‘peke’ ng isang ‘Marcos’ sa isang petisyon
Ni John Emmanuell Ramirez
PHOTO: Rappler |
Kahit na abala pa sa pagproseso sa mga petisyong umiikot sa tax conviction at sa nakaw ng kanyang pamilya, hindi pa rin tatantanan si dating Sen. Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., nang magpetisyon ang isa pang “Marcos” gamit ang isang “urban legend.”
Alegasyon di-umano ng isang Tiburcio Marcos, impostor si Bongbong at patay na ang tunay na anak ng diktador.
"Impostor Ferdinand 'Bongbong' Marcos Jr. does not exist as a legal person because the legal owner of his full name including his nickname 'Bongbong' and initials 'BBM' has been deceased since 1975," pahayag sa petisyon ni Tiburcio sa Commission on Elections (COMELEC) noong Nobyembre 3, mula sa kopyang nakalap ng Rappler.
Kamakailan lang, kinumpirma naman ng COMELEC ang petisyon ni Tiburcio, at batid nila, “For Tiburcio, the principal petition raised was identity, something to the effect that BBM is not BBM, it’s not the real guy.”
Kung tutuusin, noon pang Mayo’y pinabulaanan na ni Bongbong sa isang vlog ang naturang “conspiracy theory” na matagal na raw patay ang totoong anak ng dating Pangulong Ferdinand Marcos, Sr.
Ayon sa urban legend, napaslang sa pagkakataga ang orihinal na Marcos nang nadawit ito sa isang away habang nag-aaral sa ibang bansa, at nagtalaga di-umano ng isang impostor ang pamilya para pagtakpan ang insidente.
"Matagal talagang umikot iyan. Kahit iyong mga matalik kong kaibigan, matagal kaming 'di nagkikita, kapag nagkita kami uli, nakikita ko tinitingnan ako nang mabuti kung ito ba talaga iyong dati o bago na ito," kuwento ng dating senador.
"Sa totoo lang talaga po, ako ito!" dagdag pa niya.
Matatandaang isa na ang petisyon ni Tiburcio, na kumandidato rin sa pagkapangulo, sa limang pormal na kasong inilatag ng iba’t-ibang grupo at indibidwal upang matuldukan ang pagtakbo ni Bongbong sa eleksyon 2022.
Kaugnay nito, matagal na ring nakapagpetisyon si Bongbong sa COMELEC patungkol sa pagbabasura naman ng kandidatura ni Tiburcio sa pinakamataas na posisyon sa gobyerno, dahil isa umano itong “mockery” at “disrepute” sa election process.
Nakasaad sa petisyon, na inilatag noon pang Oktubre 13: "[The] will of the electorate will be undermined if a bona fide candidate like him and a candidate with no genuine intention to run for public office with the same surname 'Marcos,' like TVM, will both appear in the choices for the position of president in the official ballot for the...2022 elections."
Bukod sa pagiging isang “nuisance candidate” sa balota, ipiniresenta din ng kanyang kampo ang mga walang-basehang impormasyong na umiikot sa social media, tulad ng pagle-label kay Tiburcio bilang “sultan” at “his majesty king.”
"Regrettably, TVM is merely using the election process to gain popularity and for other purposes known only to him," akusa ng dating senador.
Ayon sa Vera Files, si Tiburcio Villamor Marcos Tallano Tagean IV, o mas kilala bilang Tiburcio Marcos o TVM, ay isang “pamosong” indibidwal na mula pa noo’y nagsasabing siya raw ang pinakabatang anak ni dating pangulong Marcos sa kanyang “first wife” na si “Princess of Spain” Enimecia Cruzen Villamor Tagean Tallano.
Kasabay ng kanyang petisyon laban kay Bongbong, ibinida pa ni Tiburcio ang mga walang-katotohanang alegasyon na siya ang tunay na “royal king of the Philippine Islands with 13 regions with multi-trillion tonnes of gold, silver, diamond, and platinum” at ang “seven-star governor-general of the United Nations.”
Bagamat sobrang hindi kapani-paniwala ang petisyong pagkuwestiyon sa identidad ni Bongbong, nakaangkla pa rin ang karamihan sa mga kasong inihain ng mga petisyoner sa mga akusasyon patungkol sa kanyang pagsisinungaling at pagtatago ng pagkakasala niya.
Sa kabila nito, patuloy pa lang din na dina-downplay ni Bongbong ang mga petisyon laban sa kanyang pagtakbo.
Mga sanggunian: Philippine Daily Inquirer, Rappler, Rappler News, The Vera Files