Ni Kyla M. Balatbat

PHOTO: News18

Bilang pag-aasam na maabot ang kongkretong porsyento ng populasyon, humigpit na ang panawagan ng palasyong mapalakad ang bakunahan sa mga trabahador sa ilalim ng parehong pribado at pampublikong sektor sa mga lugar na may sapat na suplay ng COVID-19 vaccines, saad ng tagapagsalita ng pangulo, Harry Roque, noong ika-12 ng Nobyembre, via taped video.

Ang direktiba mula sa punong ehekutibo ay inaasahang maging epektibo simula Disyembre 1, 2021 lalo’t higit sa mga empleyadong sumasailalim sa on-site areas maging ang mga trabahador sa sektor ng pampublikong transportasyon.

Sa pagpapatuloy ng operasyon, ang mga empleyadong hindi bakunado ay mananatili pa ring makapagta-trabaho ngunit mahigpit na kinakailangan ang pagpe-presinta ng RT-PCR testing o antigen tests na hindi na saklaw ng bawat kumpanya, sa halip ay walang pagpipilian ang bawat empleyado kung hindi gumastos gamit ang sariling pitaka.

Ipinagpasaring naman ng palasyo ang pagbibigay insentibo sa mga empleyadong nakatanggap na ng kumpletong dose ng bakuna. Ang mga ahensya ng gobyerno ay inaasahang bigyang prayoridad ang bawat indibidwal na fully vaccinated sa mga programa at serbisyong inilaan ng gobyernong mapakikinabangan ng masa.

Hindi naman mamarkahang ‘absent’ ang mga trabahador na hindi makadadalo o liliban sa trabaho kung ito ay nakatakdang bakunahan sa naturang araw. Kinakailangan lamang na mabigyang patunay ang nasabing iskedyul sa pamamagitan ng paglalahad ng birth certificate o medical clearance mula sa government health office. 

Sa kabilang banda ay patuloy pa rin ang pagkatok ng Department of Health (DOH) sa Department of Justice (DOJ) na bigyan na ng legal na batayan ang mandatory vaccination sa lahat ng trabahador. Nananatili namang walang tugon ang DOJ ukol dito.

Sa patuloy na paghahabol ng gobyerno na mabakunahan ang higit sa 90% na populasyon ng bansa, mula ika-10 ng Nobyembre, mahigit 32.97% na ang nabakunahan ng unang dose at 27.66% naman ang tinatayang kabuuang populasyon na nakakumpleto na ng parehong dose ng COVID-19 vaccine. 

Sa kasalukuyan, nananatili pa rin ang Pilipinas sa bansang may pinakamataas na kaso ng COVID-19 sa Timog-Silangang Asya na may 2.81 milyong bahagdan sa kabuuan.


Mga sanggunian: GMA News, Reuters