Matapos paratangan bilang 'Pro-communist', Robredo kay Duterte: Dangerous to report without basis
Ni Nikki Coralde
PHOTO: Manila Bulletin |
Pinabulaanan ni Vice President Leni Robredo ang inilabas na paratang ni Pangulong Rodrigo Duterte na isa siyang pro-communist sa kasagsagan ng kaniyang pagbisita sa Calamansi farmers sa Cabanatuan, Nueva Ecija.
Sa inisyal na pahayag ni Robredo, sinabi niya na hindi raw maganda para sa isang opisyal ng gobyerno ang maglabas ng mga pahayag lalo na at wala itong basehan. Dagdag pa niya ay maaari pa umanong malagay sa peligro ang buhay ng akusado.
"Kaya sinasabi natin na sobrang delikado kapag ang isang government agency ay nagre-release ng mga statements na walang basehan. Kasi hindi nila nare-realize na ine-en-danger nila iyong buhay ng mga binibigyan ng paratang na wala namang basehan," ani Robredo.
Kasabay nito, idiniin din ng Bise Presidente na "irresponsable" kung maituturing ang isang opisyal ng gobyerno kung nagbibigay ito ng walang kabuluhang mga pahayag.
"Kung ang isang government agency ay mas responsable—mas responsable sa mandato at saka datos niya, wala tayong kailangang ipangamba. Pero kung may mga nagli-lead sa isang government agency na ganito ka-irresponsible sa pagparatang, eh dapat talaga tayong mag-isip many times over," paliwanag niya.
Samantala, matatandaang lumabas ang pahayag na ito ng Pangulo sa isang bahagi ng vlog ni Byron Cristobal kung saan sinabi ni Duterte na hindi niya sinusuportahan si dating senador Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. dahil aniya'y tulad ni Robredo, si Marcos ay isa ring "pro-communist."
Sanggunian ng ulat: GMA News