Panukalang 'no bonus, tiangge' sa 'di bakunado, keri lang sa Palasyo
Ni Roland Andam Jr.
PHOTO: Yahoo News |
Ngayong nalalapit na ang Kapaskuhan, kani-kaniya nang diskarte ang mga lokal na pamahalaan (LGUs) sa panghihimok sa mas maraming mamamayan upang magpabakuna.
Kamakailan, iminungkahi ng Metro Manila Council ang "no vaccine, no tiangge," habang sa Cebu City naman, itinutulak ang panukalang kung saan ang mga manggagawang nabakunahan na ang sila lamang gagawaran ng Christmas bonus.
Kung Malakanyang ang tatanungin tungkol dito, walang kaso para sa kanila ang mga nasabing panukala gayong wala naman daw mga karampatang karapatan ang malalabag sa pagpapatupad nito.
Paliwanag ni Presidential spokesman Harry Roque nitong Martes, Nobyembre 9, "discretionary" lamang at hindi hinihingi o idinidikta ng batas ang pagbibigay ng Christmas bonus kung kaya't maari itong kasangkapanin para makapang-enganyong magpabakuna ang mas marami pang indibidwal.
“Wala po akong nakikitang pagkakamali diyan kasi Christmas bonus po ang pinag-uusapan," pahayag ni Roque.
"Ang requirement po para sa mga taong gobyerno ay 13th and 14th month pay. Dahil discretionary po ang Christmas bonus, pupwedeng gamitin po ‘yan kabahagi ng incentive para makapag-bakuna ang marami sa atin,” dagdag pa ng opisyal.
Sa usapin naman ng "no vaccine, no tiangge" sa Metro Manila, saad ni Roque, kabahagi raw ito ng "general welfare clause" at isang "valid exercise of police power" ng mga LGUs.
“Ito naman po ay kabahagi ng general welfare clause na tanging mga bakunado ang papayagan magbenta sa mga tiangge. Tingin ko po, ‘yan ay valid exercise of police power,” ani Roque.
Samantala, pagdating naman sa polisiya ng "no bakuna, no ayuda" sa mga benepisyaryo ng Pantawid Pampamilyang Pilipino Program (4Ps), sa tingin ni Department of Justice Secretary Menardo Guevarra, malabo itong maipatupad dahil may mga batas na kailangan pang amyendahan.
Sinegundahan ito ng Palasyo at sinabing hindi sinasaklaw ng batas na bumuo sa 4Ps ang pagpapabakuna bilang requirement para mapabilang sa mga makatatanggap ng nasabing benepisyo.
"Kasi po dati-rati, executive program lang 'yan, kung wala pong batas, pupwedeng mag-require ng 'no vaccination, no benefits' under 4Ps," banggit ni Roque.
"Kaso po ang ating 4Ps ginawa nang batas at malinaw doon kung sino 'yung qualified na makakuha ng 4Ps subsidy. At dahil hindi kabahagi doon 'yung hindi nagpapabakuna, kailangan, maamyendahan po 'yung batas," pagpapatuloy niya.
Ayon sa datos, 65, 764, 376 na ang sumatutal na doses ng COVID-19 vaccine ang naiturok; Sa bilang na ito, 30, 108, 097 ang nabakunahan na ng single-dose at second dose ng kanilang bakuna.
Kung tatayain, 39.03% pa lamang ito ng 77, 139, 058 (70% ng populasyon ng Pilipinas) na target ng pamahalaan na mabakunahan hanggang sa katapusan ng taong kasalukuyan, Disyembre 31, 2021.
Mga sanggunian: ABS-CBN News, ABS-CBN, Philippine Daily Inquirer