Ni Alyssa Damole

PHOTO: Philippine Daily Inquirer

Binalewala ni Presidential spokesperson Harry Roque ang pagtutol ng 152 Pilipinong abogado sa kaniyang nominasyon sa International Law Commission (ILC) at kanyang iginiit na hindi siya guilty sa isang krimen nang dahil lamang sa kanyang kaugnayan kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Isinaad niya ito matapos maglabas ng saloobin ang mga abogado tungkol kay Roque bilang kanyang "pinahintulutan" ang extrajudicial killings, hindi pagsunod sa rule of law at due process, at ang hindi katanggap-tanggap na pananaw niya sa human rights, justice, pandemic response, at good governance.

"They are saying guilt by association because I am the spokesperson of the President. There is no such thing," ani Roque sa Palace briefing nitong Martes, Nobyembre 9.

Ayon pa sa kaniya, halos katumbas lamang ng 0.001 porsyento ang bilang ng mga tumututol sa kaniya, mula sa mahigit 78,000 na abogado sa Pilipinas.

Matatandaang kasalukuyang sumasailalim sa International Criminal Court (ICC) investigation ang administrasyong Duterte nang dahil sa crime against humanity mula sa humigit-kumulang 7,000 drug war deaths.

"Wala pa pong napapatunayan laban sa Presidente. At iyong sa ICC, preliminary investigation pa lang sa war on drugs, hindi laban kay President Duterte. Iyan po ay paratang pa lamang, dadaan pa yan sa butas ng karayom," saad niya.

Dagdag pa rito, kaniya ring sinabi na dulot lamang ng "political noise" ang pag-oposa ng mga abogadong ito.

"Maingay lang po sila dahil kabilang sa mga pumirma ay mga kilalang personalidad na talunan sa Otso Diretso at grupo ng kaliwa na walang nasabing maganda naman po sa mula’t mula sa administrasyon ni Presidente Duterte since Day 1... asahan niyo na lalo pang lalakas ang political noise. Maghahanda na lamang po tayo ng bulak para takpan ang ating mga tainga," aniya.


Sanggunian ng ulat: GMA News