Ni Diana Mae Salonoy

PHOTO: SPIN PH

Nagdesisyon si 2021 US Open champion Yuka Saso na ibandera ang watawat ng Japan dalawang taon mula ngayon, matapos ang ilang yugtong pagdomina sa international scene bilang kinatawan ng Pilipinas sa larangan ng golf. 

Sa isang anunsiyo nitong Miyerkules, sinabi ng Pinay golf sensation na napusuan niyang maging Japanese citizen alinsunod sa nationality laws ng nasabing bansa. 

"I chose Japan because of nationality law," saad sa Kyodo News ni 20-year-old Saso, na kasalukuyang dual citizen bunsod ng Pilipinang ina at amang Japanese national. 

Nakatakdang mamili ang lahat ng dual citizen ng kanilang nationality pagsapit ng edad na 22, ayon sa Japanese nationality law. 


BATANG PINAY PRIDE

Unang kinatawan ni Saso ang Pilipinas bilang amateur golfer sa murang edad bago sumikwat ng sunod-sunod na parangal sa international stage. 

Kasama rito ang dalawang ginto sa Asian Games noong 2018, kampeonato sa US Women's Open sa edad na 19, at ika-siyam na puwesto sa women's golf nitong Tokyo Olympics.

Sa kabila ng kaniyang desisyon, nilinaw ng World No. 6 golfer na mananatili ang kaniyang pagmamahal sa Philippine contingent. 

"I have in my heart that I am both Japanese and Filipino no matter which one I choose," dagdag pa ni Saso.

Kasalukuyang tangan ni Saso ang bandera ng Pilipinas sa kaniyang pagbabalik sa Toto Japan Classic - LPGA tour matapos ang Bridgestone Ladies nitong Mayo.