Nina Kier James Hernandez at Roland Andam Jr. 

PHOTO: Manila Bulletin

Chavit Singson in your area! 

Nag-ala-Lisa Manoban, singer ng KPOP hit song na “Money”, ang kasalukuyang alkalde ng Narvacan, Ilocos Sur na si Luis Chavit Singson matapos itong mamigay ng pera sa kaniyang mga nasasakupan gamit ang isang golden money gun. 



Sa video na ipinost ni Singson sa kaniyang Facebook page, makikitang pinagbababaril niya ng perang nagkakahalaga ng P100, P500 at P1000 ang mga residente na sumalubong sa kaniya na nagdaraos ng pista. 


“Madalas 'yon, kapag may okasyon. Kapag pasko, o kaya naman mga barangay fiesta. Nagpupunta ako. Alam na nila, nirerequest nila, asan 'yung baril niyo? Ginagamit ko, pampasaya sa mga tao,” saad ni Singson sa panayam sa kaniya ng DZRH News, Disyembre 30. 

Agad na nagviral ang nasabing video na kasalukuyang mayroong tatlong milyong views, 73k reactions, 42K shares at 6.8K comments.

Samantala, dahil naman sa lubos na kasiyahan, namataang hindi na nga nakapagsuot pa ng face mask ang mga tao sa video, maging ang mismong Alkalde, kahit hindi pa naman tapos ang pandemya. 

Hindi na rin naiwasan ng mga tao ang magkagulo, dahilan para hindi masunod ang physical distancing.

Depensa naman ni Mayor Singson, “Bibihira na lang 'yung cases namin ng COVID. Wala nang nagma-mask dito. Nagma-mask din sila 'pag labas, pero 'pag kakainan na, e, tinatanggal lahat. 'Yung pinuntahan ko, barangay fiesta, nagkainan sa baranggay, so walang mask,” 

Kung mayroong natuwa sa naturang video, mayroon din namang mga napataas ang kilay sa ginawang pamumudpod ng pera ni Mayor Singson.

Sa katunayan, may ilang kumondena sa paraan ng pamimigay ng Alkalde ng salapi. 

Giit nila, dapat daw na ipinamahagi ito sa mas makataong paraan; sa halip na nagpaulan ng pera, iniligay na lamang sana ito sa isang sobre at pinamigay nang isa-isa. 

"This is not nice I feel like they make fun [of] poor people, why not put in an envelope and give it to them (sic)," komento pa ng isang Facebook user. 

"Give it with respect and dignity to people, mahirap na kami ginagawa niyo pang laruan," sabi pa ng isa. 

Binatikos din siya ng ilan pang netizens dahil sa 'di umano'y kaguluhang idinulot ng kanyang “money-shooting” na dinumog at pinagkaguluhan sa kabila ng patuloy na krisis sa kalusugan. 

"How I wish for a more orderly Christmas gift distribution! Have you forgotten Covid spreader event!," puna pa ng isang user. 

Sa kabilang banda, bukod sa pamimigay ng pera sa nasasakupan, sinabi rin ng punong bayan sa interbyu na magbibigay siya ng tig-P50K sa bawat mayor na nasalantahan ng bagyong Odette nitong Disyembre 16.

Matatandaan naman nitong Oktubre lamang nang mag-withdraw si Singson sa pagtakbo bilang bise-gobernador ng Ilocos Sur para sa 2022 polls.

Wala umano siyang tatakbuhang ano mang posisyon sa gobyerno, batay na rin sa kanyang caption sa nag-viral niyang video.