Ni John Emmanuell P. Ramirez

PHOTO: Manila Bulletin
Bukod sa pagiging positibo sa COVID-19 test bago ang on-site exams, mariin ding ipinagbabawal ng komite ng 2022 Bar Exams ang pagsusulat ng anumang panalangin, mantra, motto o pakiusap para sa mga examiner, bagamat digitalized na ngayon ang pagsusulit.

Ito ay nakabatay sa bagong Omnibus Guidelines para sa kauna-unahang digitalisado at lokalisadong bar exams sa darating na Enero 16, 23 at 30 at Pebrero 6 ng susunod na taon, kung saan ikinokonsidera nang pandaraya, na hahantong sa diskwalipikasyon, ang naturang gawain.

“Leaving or making any distinguishing mark in any submitted answer is classified as cheating and can disqualify the examinee from the whole Bar Examinations,” wika ni Supreme Court (SC) Associate Justice Marvic Leonen, bilang punong tagapangasiwa ng pagsusulit.

Kaugnay nito, intensyon daw dapat ng bar exams na makita ang “minimum skill” na hinahanap sa mga indibidwal na hangad ang maging miyembro ng bar; simulan dapat ang kanilang kareer nang may nobilidad, kapasidad sa pagka-lider, at empatiya na kaakibat ng kanilang propesyon.

“The bar examinations test both honor and excellence. Remember that it is not worth passing the exams when you do so by being dishonest or by making others suffer,” dagdag pa ni Leonen.

Simula nang ginanap ang digital oath-taking ng 2,103 na mga pasado mula sa 7,685 na 2019 bar examinees noong Hunyo 2020, napilitang ipagpaliban na lang muna ang bar exams nang dalawang beses mula noong 2020 dahil sa lumalalang banta ng pandemya.

Sa kauna-unahang online bar exams na gaganapin sa mahigit 29 local testing centers sa Pilipinas, inaasahang pipirmahan ng mga aplikante ang waiver na nagsasabing labas na ang SC at ang local testing center sa anomang liyabilidad kung sakaling sila ma'y mag po-positibo sa COVID-19 sa apat na linggo ng Bar.

Ito ay kaakibat ng mariing pagdiin na dapat sumailalim ang bawat isa sa self-quarantine dalawang linggo bago ang unang Bar Sunday, para limitahan ang “non-essential movement.”
 
Paalala pa ng mahistrado, “avoid staying in hotels and dormitories where there is high-risk exposure to COVID-19, unless they live in areas outside where the local testing center is located.”

Dahil dito, ipinagbabawal na rin ang mga “bar operations” sa labas man o sa sakop ng security perimeter ng mga testing center, na makakapagpa-ban sa mga kukuha ng nasabing pagsusulit, "if it is later known that ‘bar operations’ activities were conducted by their law school in the hotel they are staying."

Sa bawat Linggo naman ng Bar, kinakailangang ipresenta ng lahat ng examinee ang kanilang vaccination cards at resulta ng kanilang COVID-19 test bago makapasok sa mga testing center, kung saan hihingin sa mga bakunado ang antigen test result nila na nakuha, 48 oras bago ang pagsusulit.

Ang naturang antigen test ay libre na para sa mga examinee, at gaganapin ito tuwing Biyernes at Sabado bago ang exams sa Linggo, sa mga lokasyong itinalaga ng Office of the Bar Chairperson.

“Scheduling will be sent to each examinee’s email address by the Area Team Leaders of the local testing center to which the examinee is assigned,” saad sa guidelines.

Para naman sa mga hindi pa bakunado o hindi pa kumpleto ang kanilang bakuna, kailangan nilang magpresenta ng saliva o nasal RT-PCR test results, 72 oras bago ang pagsusulit, ngunit hindi na ito sagot o saklaw ng SC.

Symptomatic man o asymptomatic, hindi na patutuluyin sa eksaminasyon ang mga indibiduwal na magdadala ng positibong resulta mula sa COVID-19 test, at mamarkahan silang “did not finish.”

Dagdag pa nila, "Examinees who obtain a positive COVID-19 test result must inform the Office of the Bar Chairperson immediately at [email protected], stating their name and assigned local testing center. A copy of the test result should be attached to the email."

Kinakailangan namang kumuha muna ng clearance sa mga medical staff sa lokasyon, ang mga indibidwal na nag negatibo ngunit bakas ang mga sintomas ng flu, at dadalhin naman sila sa hiwalay na quarantine exam room para doon kunin ang pagsusulit.

Kaugnay nito, tanging triple-layered cloth mask, surgical mask under cloth mask, N95 mask o KF94 mask lamang ang pinapahintulutang gamitin ng mga examinee, kung kaya’t bawal ang copper masks, masks na may valves, masks na may Bluetooth, WiFi, NFC o iba pang teknolohiya, at hindi-nakaayos na masks.

“Examinees must monitor themselves for any symptoms and continue their self-quarantine even after the week’s examination,” huling habilin ng SC.