Ni Daniel Enrico Chua

PHOTO: GMA News

“Bilang isang abugado, sinisigurado ko sa inyo, wala akong nakitang kahit anong kaso pagdating sa pandarambong o paglabag ng karapatang pantao laban kay Bongbong Marcos."

Ito ang pahayag ni senatorial aspirant Harry Roque sa isang campaign trail sa Batangas matapos ipagtanggol si Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. nitong Huwebes laban sa usap-usapang pagiging corrupt at paglabag sa karapatang pantao nito.

Depensa ni Roque laban sa mga taong tumututol sa pamilya ng mga Marcos, sa ilalim ng administrasyon ng kanyang ama, 15 taong gulang pa lamang si Marcos Jr. noong 1972 kung kailan idineklara ang Martial Law.

“Sa mga tumutol sa mga panahon ng administrasyon ng kanyang ama, 15 years old si Bongbong Marcos noong 1972.” 

Dagdag pa ni Roque matapos mapabilang sa talaan ng mga kandidato ni Marcos Jr., siya ay nagpaabot naman ng suporta sa pamamagitan ng pagbibigay bayad-pinsala sa mga taong naapektuhan noong Martial Law sa panahon ni Marcos Sr. 

Matapos ang termino ni Marcos Sr. bilang pagkapangulo noong 1986 dahil sa EDSA Revolution, naluklok na si Marcos Jr. bilang gobernador ng Ilocos Norte sa edad na 28.

Sa kabilang banda, naging usap-usapan din ang tila pagbaliktad ng pahayag ni Roque noong 2018 bilang Presidential Spokesperson, kung saan ipinahihiwatig niya na 'wag nang itago ang totoong nangyari sa panahong Marcos. Laman pa ng isang Facebook post ni Roque noong 2016, ang kaniyang ‘di umanong pagtutol sa Martial Law sa ilalim ng rehimeng Marcos.

Inamin din niyang may mga patunay na mayroong ngang malalang paglabag sa karapatang pantao na nangyari noong Martial Law.

“As far as the Palace is concerned, there are decisions affirming that there were grave human rights violations committed during the Marcos regime. There’s even a law in Congress which provides compensation for victims of martial law.” giit ni Roque.

Gayunpaman, kay Marcos Jr. at  Davao City Mayor Inday Sara Duterte-Carpio ang suporta ni Roque, dahil walang sinumang kandidato ang nag-imbita sa kaniya. 

“Wala naman pong ibang umangkin sa akin at umampon. Sino ba naman ako para humindi sa pag-ampon ng Uniteam ni Bongbong at ni Sara?” ani Roque.

“Unang-una, sino ang [may] pinakamahabang karanasan? Apat na terminong gobernador, isang terminong kongresista, isang terminong senador—si Bongbong Marcos,” ipinagmamalaki niyang binanggit.


Sanggunian ng ulat: Philippine Daily Inquirer