TYANSA PARA SA 'ORDINARYO': Halalan 2022, maaaring magsilbing 'political reset' para sa mga Pinoy – Robredo
Ni Alyssa Damole
PHOTO: Rappler |
Inilahad ni Presidential aspirant Vice President Leni Robredo na kanyang inaasahang maging "reset button" ang Halalan 2022 upang magbigay-daan sa pagluklok ng mga ordinaryong Pilipino sa public office sa mga darating pang taon.
“Ang aking pangarap ay pulitika natin [ang] mag-a-allow sa ordinaryong tao na maihahalal into public office. Kasi iyong pulitika natin, naging exclusive sa may pera, may pangalan,” ani Robredo sa naganap na “Covenant Vision of a Robredo Presidency” kasama ang Alliance of Labor Leaders (ALL4Leni) nitong Nobyembre 29, 2021.
Kanyang binigyang-diin ang importansya ng Halalan 2022 matapos magsama-sama ang mga kilalang pamilya sa pulitika tulad ng mga Estrada, Arroyo, at Marcos upang suportahan ang tambalang Bongbong Marcos at Sara Duterte-Carpio para sa darating na eleksyon.
“Pagkakataon ito for us to— parang reset button, na kapag tinalo natin sila, umpisahan na natin iyong klase ng pulitika na lahat may pagkakataon,” dagdag pa niya.
Isinaad din ni Robredo na isang tanda ng kanyang pagiging "seryoso" sa kanyang adhikaing pagbabago sa pulitika ang pagiging isa ni Labor Leader Sonny Matula sa kanyang mga kaalyado na kanyang pinaniniwalaang may "clear track record" sa paglaban ng karapatan ng mga Pilipinong manggagawa.
Kaugnay nito, sinabi rin ni Bayan Muna Rep. Carlos Zarate na kakailanganin ang pagkakaisa ng "democratic, non-administration candidate and forces" laban sa potential "dictatorannical" na Marcos-Duterte regime.
Sanggunian ng ulat: Manila Bulletin