VP Leni naka-quarantine, Odette response ng OVP tuloy pa rin

By Monica Chloe Condrillon

PHOTO: ABS-CBN News

Inanunsyo ng bise-presidente na patuloy pa rin ang relief operations ng kanyang opisina para sa nasalanta ng bagyong Odette kahit na siya ay kasalukuyang sumasailalim sa seven-day quarantine matapos ma-expose sa close-in security na nagpositibo sa COVID-19.

Aniya na pamsamanatalang mahihinto muna ang kanyang mga pagbisita at pag-iikot sa mga lugar na nasalanta at tratrabahuin na lang ang ibang kinakailangan online.

“Yung trabaho ko gagawin ko na munang online para hindi sayang sa oras, pero nahinto yung aking pag-iikot, pero rest assured na yung mga teams natin ay tuloy tuloy yung relief operations on the ground,” pahayag niya sa isang facebook live noong Miyerkules, Disyembre 29.



Ipinahayag din ni Robredo na naka-quarantine rin ang kanyang tatlong anak nang nag-positibo si Tricia sa RT-PCR test pagkatapos umuwi galing United States noong Disyembre 20, negatibo naman si Aika at Gillian. Siniguro naman ng bise na wala siyang kontak sa mga anak mula ng umuwi ang mga ito.

Kasalukuyang nagpapagaling si Tricia na nag-negatibo na ang resulta noong Lunes pero naka-isolate pa rin bilang pagsunod sa protocols, patuloy rin ang quarantine ng dalawa pang anak na nangangahulugang mag-isa ang bise-presidente noong Pasko.


KaPINKBisig sa hamon ng Odette

Patuloy ang bayanihan ng grupo ni Robredo at kanyang mga boluntaryong Kakampink para maghatid ng tulong sa mga nadaanan ng bagyong Odette.

Nagpahayag din siya sa kanyang mga Facebook Live ng mga balita ukol sa sitwasyon sa pagbisita niya sa Bohol, Cebu, Dinagat Islands, Siargao, Surigao, Southern Leyte, at Negros mula noong nanalasa ang bagyong Odette. Mayroon din siyang mga tauhan na naiwan sa iilang lugar na ito para patuloy na mag-monitor sa kanilang kalagayan at maghatid ng tulong.

Magugunita na bumalik ang kampo ni Robredo sa Bohol at Dinagat Islands kahit pa masama ang panahon noong Martes, bago niya natanggap ang balitang kailangan niyang magquarantine, para muling kamustahin ang kalagayan ng mga kababayan at maghatid ng food relief.

Personal na binisita ng bise ang coastal area sa Tubigon, Bohol na aniya’y halos walang natirang bahay at mayroon doong itinayo muli ng mga tao na tagpi-tagpi na lamang galing sa naisalbang mga gamit. 

“Nag-promise tayo na ngayon, nakahanap tayo ng donor na tutulong para sa kanilang housing materials,” pagbabahagi ni Robredo.

Inilahad din niya ang naisagawang plano kasama si Dinagat Governor Arlene Bag-ao na magsagawa ng libreng pabahay para sa biktima ng bagyo na nakatira sa danger zones at coastal areas.

“Mayroong 5 hectares na property yung provincial government na nilaan na nila para yung nakatira sa danger zones, hindi na doon papayagan na magbuild ulit. Agree ako doon kasi yung experience natin sa iba’t-ibang mga lugar na tinamaan ng sakuna, yung nasisiraan lalo sa coastal areas, every typhoon sila rin yung nawawalan lagi ng bahay. So, yung pinaka long-lasting talaga na tulong sa kanila ay mabigyan ng relocation site na mas safe,” dagdag niya.


Diwa ng pasko sa gitna ng sakuna

“Ito iyong pinakadiwa ng pasko, na kapag may kababayan tayong nahihirapan tumutulong tayo,” pahayag ni Robredo habang nagpapasalamat sa mga tumulong at nagbayanihan para sa sakunang dulot ng bagyong Odette.

Taos-puso niyang pinasalamatan ang mga taong nagbigay ng donasyon, mga volunteer groups, pati na rin ang naghatid ng tulong sa pamamagitan ng Tanging Yaman Foundation na partner ng kanyang organisasyon.

Nabanggit din niya ang mga Local Government, Navy at Coast Guard, at iba pang tumulong para sa transportasyon ng mga relief packages sa mga lugar na nangangailangan nito.

Samantala, nanawagan din ang bise presidente na ihinto ang napuna niyang kantyawan sa social media tungkol sa mga nagawang tulong.

“Nakikiusap ako na sana huwag ganito, sana hayaan na natin yung iba’t-ibang personalities na tumulong in the manner na gusto nilang tumulong, hindi naman siya kompetensya. Dapat sa panahon na ganito nagkakaisa tayo. Na lahat ng effort– kahit maliit, kahit malaki, ina-appreciate natin. Sana isantabi muna yung mga hidwaan,” muling paalala ni Robredo.





Previous Post Next Post